Home OPINION PAALALA AT HINDI BANTA

PAALALA AT HINDI BANTA

HINDI nampapraning o nanakot si dating Pangulong Rodrigo Duterte nang sabihin nitong may namumuong banta sa hanay ng militar at pulisya sa gitna ng maraming kontrobersiyang kinasasangkutan ng kasalukuyang administrasyon.

Ito lamang, ay isang paalala raw ni Presidente Digong sa ating mga opisyal at mga mambabatas na nagmamasid lamang ang mga sundalo at pulis upang proteksyunan ang mga mamamayan sa anomang tangkang pagsasamantala nang iilan.

Ayon kay Salvador Panelo, na dating taga-pagsalita ni Duterte at chief legal counsel nito, alam ng dating Pangulo ang mga probisyon ng Saligang Batas na ang Armed Forces of the Philippines  at Philippine National Police  ay nagsisilbi bilang taga-pagtanggol ng mga mamayan at ng bayan.

Iyan daw ang basehan ni Digong sa mga naging pahayag nito noong mga nakaraang araw, ayon kay Panelo.

‘Di nga naman nanakot ang dating Pangulo kung di nagbibigay lamang ng paalala, na ang AFP at PNP ay nakabantay lamang sa mga opisyal ng pamahalaan na hindi gumagawa o gagawa ng kasamaan sa sinumpaan nilang mga tungkulin.

Ang pahayag kasi ni Duterte, bantayan ng ating mga opisyal ang militar at pulisya dahil nakahanda itong ipagtanggol ang sinomang inaapi. Nakikita kasi ni Digong na may namumuo ring alyansa sa pagitan ni House Speaker Martin Romualdez at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na umuuga ngayon sa Kongreso.

Ang posibleng sabwatang ito ang binabantayan umano ng militar at pulis.

Iyan naman ay pahayag ni Duterte nang tanungin sa programa ni Apollo Quiboloy sa SMNI. “Ano raw ang makakapag-tulak sa AFP at PNP para magsagawa ng ‘coup de etat’.”

Korapsiyon, hayagang kriminalidad at rebelyon ay mga halimbawa lamang na binitiwan ni Duterte para makapagsagawa ng coup de etat ang AFP at PNP.

Kapag nalagay na raw sa panganib at kapahamakan ang mamamayan, makapagsasagawa na ang militar at pulisya ng pagkilos upang gisingin ang pamahalaan.

Hindi nga naman dapat maging praning sa mga pahayag na ito ni dating Pangulong Duterte dahil isa lamang itong paalala na ang AFP at PNP ay nagbabantay sa mga mapagsamantala.

 

 

Previous articleITINAKWIL NA NI NINANG MAYOR
Next articlePINOY SEAMEN PAANO PANGALAGAAN?