Home OPINION PAANO NAMAN ANG MGA MAGSASAKA?

PAANO NAMAN ANG MGA MAGSASAKA?

PAGKAKALOOBAN ng Department of Social Welfare and Development ng one time maximum P15,000 cash aid ang small rice retailers na maaapektuhan ng price cap na itinakda ng Malakanyang.

Iniutos ni Pangulong Fredinand Marcos Jr. na gamitin ang Sustainable Livelihood Program ng ahensiya upang tulungan ang small rice retailers mula sa inaasahang pagkalugi dahil satemporary price cap sa bigas.

Ngayong may price ceiling na sa bigas, hindi puwedeng magbenta ang retailers sa merkado ng hihigit sa P41 bawat kilo sa regular milled at P45 well milled.

Hindi masamang tulungan ang rice retailers sa pagkalugi sa price cap sa bigas. E paano naman ang mga magsasaka na mas matagal nang nalulubog sa pagkalugi sanhi ng climate change at mataas na halaga ng produksyon sa pagtatanim?

Kung may dapat ayudahan ang pamahalaan ay silang mga magbubukid. Mas malaking halaga at pagod ang nasasayang sa mga magsasaka kapag tinatamaan ng kalamidad ang kanilang mga pananim. Sapul din sila ng napakataas na presyo ng fertilizer at iba pang cost of production.

Pansamantala lang naman ang price cap na ipinatutupad upang kontrahin ang mga mapagsamantalang malalaking negosyante na nagkukubli ng bigas para maibenta nila ng mahal sa merkado.

Subalit ang paghihirap ng mga magsasaka ay malaon na nilang dinaras dahil din sa mga abusadong rice traders at natural na kalamidad.

Binabarat ng rice dealers ang kanilang ani kaya lalong nagkakandahirap ang mga magbubukid na Juan dela Cruz.

Nagmamalaki ang mga dambuhalang rice traders na baratin o huwag bumili ng bigas sa mga magsasaka dahil madali sa kanila ang makakuha ng mga imported. Kasabwat nila ang mga ismagler na tinutulungan pa ng mga tiwali sa gobyerno para makapagpuslit.

Ngayon hirap nang mag-import sapagkat ibinawal ng gobyerno ng mga bansang pinagkukunan ng mga bigas na mag-export muna dahil sila rin ay kinakapos sa produksyon, hinihinalang nagtatago ng bigas ang malalaking traders sa bansa na dulot naman ng pagtaas ng presyo sa mga palengke.

Usapin sa bigas ang problema subalit wala yata tayong nababalitaang ayuda para suportahan ang mga magsasaka. Kung walang magsasaka, walang gagawa sa bukid at kung walang magtatanim, walang mabibiling bigas.

Ang ating mga magsasaka ang nagtatanim ng mahalagang butil na bumubuhay sa bawat Pilipino?

Ano kayang dahilan at kinakaligtaang tulungan ang mga magsasaka? Dahil ba may inaasahang makukuhanang bigas sa ibang bansa para maibenta nang mahal sa Pilipinas?

Dapat ay suportahan ang mga magsasakang Pilipino upang mapalakas ang sariling produksyon sa bansa. Huwag umasa mula sa importasyon. Ang resolusyong ito ang magpapatibay sa ating adhikain na bigyang importansya ang sektor ng agrikultura.

Previous articleKAPITAN NAMIGAY NG AYUDA SA 36 BARANGAY NG INDANG
Next articleTRAHEDYA SA KAMARA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here