Home METRO Paaralan sa Cavite nakatanggap ng bomb threat mula sa ‘Hamas member’

Paaralan sa Cavite nakatanggap ng bomb threat mula sa ‘Hamas member’

MANILA, Philippines – Binulabog ng bomb threat ang Samuel Christian College sa General Trias City, Cavite na nagmula umano sa isang nagpakilala na miyembro ng Palestinian militant group na Hamas.

Ayon sa General Trias City Police Station, personal na dumulog sa pulisya ang school administrator na si Jerickson Carandang Bautista, dahil sa banta ng pambobomba.

Sinabi umano ni Bautista na nakatanggap sila ng email mula sa isang “Adam Cohem” na nagpakilalang miyembro ng Hamas.

Sa naturang email, sinabi na inilagay umano ang mga bomba sa lahat ng distrito at sasabog ngayong araw, Marso 21.

Upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante at guro ay sinuspinde na ang klase, Miyerkules pa lamang.

Nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Explosive Ordinance Disposal and Canine Group ng Cavite Police Provincial Office at Bureau of Fire Protection at bumuo ng rescue team.

Wala pang tugon ang Cavite police kung ano na ang update sa insidente. RNT/JGC

Previous articleClaret School of Quezon City muling nakatanggap ng bomb threat
Next articlePANOORIN: Gulong ng sasakyan ng nakaalitan, binutas ng rider