Home HOME BANNER STORY Padilla humingi ng tawad sa Senate officials sa IV drip session ni...

Padilla humingi ng tawad sa Senate officials sa IV drip session ni Mariel

MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin si Senador Robin Padilla sa dalawang matataas na opisyal ng Senado sa halip na idirekta ang liham kay Senador Nancy Binay na pumuna sa pagsasagawa ng IV Drip ng glutathaione ni Mariel sa tanggapan ng mambabatas.

Noong nakaraang linggo, matinding binatikos ni Binay ang “maling ginawa” ni Mariel sa pagsasagawa ng IV drip session sa loob mismo ng tanggapan ng kabiyak nito na si Padilla sa Senado.

Nakita ni Binay ang litrato sa Instagram post ni Mariel na tila tuwang-tuwa pang ibinabandila ang kanyang “pagmamalabis” sa pagsasagawa ng IV drip kahit ipinagbabawal ito ng Department of Health.

Nitong Lunes, Pebrero 26 ay nagpadala ng liham si Padilla kina Dr. Renato DG Sison, direktor ng Medical and Dental Bureau; at kay (Ret) Lt. Gen. Roberto T. Ancan, sergeant-at-arms ng Senado.

“Kailanman po ay hindi ko naisip na ipagwalang-bahala ang mga umiiral na alituntunin ukol sa seguridad ng Senado, lalo’t higit ang hindi pagbibigay-galang sa ating institusyon,” ani Padilla sa kanyang liham kay Ancan.

“Nais ko pong bigyan ng diin na wala pong intensyon ang aking maybahay na ipagwalang-bahala ang mga umiiral na patakaran ng Medical Bureau,” ayon sa mambabatas, sa liham naman niya kay Sison.

“Makakaasa po kayo na hindi na mauuulit ang ganitong uri ng pangyayari,” idiniin ni Padilla kay Ancan at Sison.

Nitong Linggo, humingi rin ng paumanhin si Gng. Padilla sa publiko at sa Senado sa nangyaring pag-IV drip sa tanggapan ni Sen. Padilla. Nilinaw din niya na Vitamin C at hindi glutathione ang drip niya.

Kamakailan, pinuna ni Binay, chairman ng Senate committee on ethics ang inugali ni Mariel Rodriguez, isang showbiz personality nang isagawa ang kanyang gluta grip session sa tanggapan mismo ng kanyang asawa, si Padilla.

Ipinalabas ni Binay matapos mag-post si Rodriguez ng kanyang larawang nagpapakita na nagsasagawa siya ng glutathione drip sa harap ni Padilla.

Tinanggal na ang post ni Rodriguez pero naging viral ito ng ilang oras.

“I’m not sure if the Ethics Committee can extend its jurisdiction dito sa nangyaring insidente since hindi naman member ng Senado si Ms. Mariel. But we also need to closely look into it because it involves issues of conduct, integrity, and reputation of the Institution and matters that concern health and safety,” ayon kay Binay, ang chairperson ng Senate Ethics Committee.

“Nakaka-bother lang dahil yung IV procedure was done inside the Senate premises na walang abiso mula sa clinic,” giit pa ni Binay.

Nabasa ang caption ni Rodriguez, “Drip anywhere is our motto! Hehehe. I had an appointment with @dripinluxeph but I was going to be late so I had it done in my husband’s office hehe. I never miss a drip because it really helps in soooo many ways. Collagen production, whitening, energy, metabolism, immunity, and sooo much more!!! So convenient and really effective.”

Matagal nang ibinabala ng Department of Health (DOH) sa publiko laban sa panganib sa kalusugan sa paggamit ng IV glutathione, dahil hindi ito ligtas sa katawan ng tao.

“‘Yung gluta drip ay ni-declare na mismo ng DOH na unsafe, banned ng FDA, and it was administered outside the clinic without the proper medical advice from a licensed health professional,” ayon kay Binay.

“As public figures, sana aware din tayo sa responsabilidad natin sa publiko. We might be promoting something na ipinagbabawal at iligal, at akala ng mga tao eh okey lang. Isipin din natin may kasamang kapanagutan ang pagiging artista, lalo na kung senador ang asawa mo,” dagdag pa ng senadora.

Samantala, iginiit ni Binay nitong Sabado na walang kinalaman ang kulay ng balat sa kalusugan o kagandahan, sa gitna ng pagsita sa kay Mariel sa nasabing larawan. Ernie Reyes

Previous articleKC, buntis?
Next article‘No significant sightings’ sa dagat ng Northern Luzon – PAF