Home NATIONWIDE Padilla humirit na payagan si Quiboloy na dumalo sa Senate investigation online

Padilla humirit na payagan si Quiboloy na dumalo sa Senate investigation online

MANILA, Philippines – Umapela muli si Senador Robin Padilla sa Senado na payagan si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy na dumalo online sa isinasagawang Senate investigation sa kasong sexual abuses at human trafficking na kanyang kinasasangkutan at organisasyon nito.

Ganito ang reaksiyon ni Padilla matapos tindigan ni Senator Risa Hontiveros, na nangunguna sa imbestigasyon, na hindi nito papayagan na sagutin ang lahat ng alegasyon at paratang na sexual abuse, human trafficking at iba sa pamamagitan ng virtual attendance.

Binanggit din ni Padilla ang pananaw ng kasamahang senador, sina Nancy Binay, JV Ejercito, at Lito Lapid na payagan si Quiboloy na dumalo sa Senate probe online.

“Kung mapapayagan sana. Sana magkaintindihan, kasi ang nag-uusap…ay ang kumite ni Senator Risa at ang legal [team] ni [Quiboloy]. Silang dalawa ang nag-uusap e. Sana magkasundo sila na yung… sinasabi nila virtual, online, ganon,” ayon kay Padilla sa ambush interview.”

“Siguro, para sa akin, baka pwedeng i-offer ‘yon. Silang dalawa na ang mag-usap kasi hindi ko pa naman nakakausap si Pastor. Hindi ako abogado ni Pastor. Ako ay isang senador na pina-iiral ko kung ano ang nasa procedure ng rules ng Senate,” dagdag niya.

Binatikos din ni Padilla ang posisyon ni Hontiveros na hindi nito tatanggapin ang isyung medikal at seguridad ang magiging punto ng hindi pagdalo ni Quiboloy sa Senado upang maiwasan ang kanyang pagdalo at pagtugon sa lahat ng alegasyon ng sexual abuse, human trafficking at paggamit ng miyembro sa pamamalimos.

“Pag sinabing medical ‘di tatanggapin, pag security… ‘yung mga pwedeng sabihan ng magbibigay ng show cause… Parang sinabi mo na na hindi ito katanggap-tanggap. Parang nawawala due process. Sana pakinggan muna natin,” ani Padilla.

Iginiit pa ni Padilla na pinagkakaisahan si Quiboloy dahil kabila-kabila ang imbestigasyon na isinagasawa sa lider.

“Ako, naniniwala ako sa dalawang punto. Una, si Pastor ay napag-iinitan….may hearing sa House, may hearing sa Senate, may hearing sa [Department of Justice], may hearing sa Amerikano, kapag hindi ka pa pinag-iinitan noon eh ewan ko na,” aniya.

“Merong problema sa security. Kasi ako lang, alam ko sa komunista lang meron na siyang security problem kasi talagang lumaban siya duon,” aniya.

Samantala, gamit ang Supreme Court decision, inihayag naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat mauna ang show cause order bago magpalabas ng arrest warrant laban kay Quiboloy.

Naunang nagpadala ng show cause order ang Senado kay Quiboloy na nilagdaang nina Zubiri at Hohntiveros. Pero kung babalewalain ni Quiboloy ang show cause order, lalagdaan ni Zubiri ang contempt order laban kay Quiboloy. Ernie Reyes

Previous articleBangkay ng nawawalang Japanese national, ina narekober sa Quezon
Next articleP16M ari-arian naabo sa sunog sa Rizal