Home NATIONWIDE Pag-apruba sa P41.2B badyet ng NIA, tinabla muna sa Senado

Pag-apruba sa P41.2B badyet ng NIA, tinabla muna sa Senado

444
0

MANILA, Philippines- Hindi nakumbinsi ng National Irrigation Administration (NIA) ang isang panel sa Senado na aprubahan ang hinihingi nitong P41.2 bilyong badyet sa 2024 dahil hindi kuntento ang ilang mambabatas sa performance nito.

Inisyal na nagpakita ng diskuntento si Senador Raffy Tulfo dahil nabigo umano itong magbigay ng maayos na sistema ng irigasyon sa magsasaka kaya hindi nakaaani ng mas marami kumpara sa ibang may patubig.

Ayon kay Tulfo, nabigo ang NIA sa pagbibigay ng sapat na irigasyon sa maraming magsasaka sa kabila ng pondong ibinibigay ng Kongreso kada taon.

“Matagal niyo nang ginagago ang taumbayan… Kaya nga kayo binugdgetan ng bilyun-bilyon eh. Para ayusin niyo po yung irrigation system natin pagdating po sa mga palay na makakatulong po yan sa ating lahat. Hindi eh, imbes na gawin niyo trabaho niyo, kinukurakot niyo po eh,” ayon kay Tulfo.

Kinuwestiyon ni Tulfo ang kahilingan ng NIA na halagang P800 milyon para sa pagkukumpuni at pagpapanatili ng irrigation projects.

Sa kanyang tugon, nangako si NIA Administrator Eduardo Eddie Guillen, bago lamang sa trabaho, na kanyang gagamitin ang kanyang full capacity upang tugunan ang bagay na ito.

Base sa datos ng NIA, mayroong 10,496 communal irrigation system ang NIA, pero mahigit 116,000 ektarya ng sakop na sakahan ang mayroon hindi gumaganang irrigation system, ayon kay Guillen.

“Gaya po ng nabanggit ko noon, humihingi po ako ng exemption sa communal irrigation system sa EO 138 and nag-request din kami ng pondo kasi sayang nga po,” sabi ni Guillen.

Naunang inihayag ng Department of Agriculture na dapat palawakin ng NIA ang irrigation projects sa 2.2 million ektaryang sakahan.

Pero, dulot ng limitasyon sa pondo, masasakop lamang ng NIA ang 1.5 milyong ektarya ng lupain.

Binaggit naman ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na tumanggap ang NIA ng P7.1 bilyong badyet sa pagkukumpuni at maintenance ng communal irrigation system sa 2023 saka P7.4 bilyon sa katulad na proyekto sa susunod na taon.

Sinabi ng NIA na nagamit na ang mahigit P3 bilyon sa naturang badyet.

Ngunit, sinabi ni Tulfo na hindi pa maaaring aprubahan ang badyet ng NIA dahil marami pang katanungan na hindi masagot at kontradiksiyon sa pangyayari.

“Ide-defer ko po muna yung approval ng NIA budget until the concerns of this committee have been addressed. Defer muna hanggang sa ma-satisfy po kami kasi pera ng taumbayan yung ipapaubaya namin sa inyo. It’s just proper. Kailangan ma-a-account ninyo nang maayos masiguro na yung pera mapupunta sa farmers at hindi sa bulsa ng Pontio Pilato, Herodes, Barabas, Hestas,” ayon kay Tulfo.

Sinuportahan naman ni Senador Cynthia Villar ang posisyon ni Tulfo saka ideklarang ipinagpapaliban ang aprubal ng badyet ng NIA. Ernie Reyes

Previous articleDigital driver’s license renewal, student permit issuance sinisilip ng LTO
Next articleDating pulis arestado sa drug ops

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here