Home NATIONWIDE Pag-aresto kay Jade Castro pinatatalupan sa Senado

Pag-aresto kay Jade Castro pinatatalupan sa Senado

MANILA, Philippines- Hiniling ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros nitong Martes sa Senado na imbestigahan ang warrantless arrest kay film director Jade Castro at kaibigan nito hinggil sa hinalang sa arson ng isang modern jeep sa Quezon.

Isinagawa ito ni Hontiveros sa inihainang Senate Resolution 928, na nagsasabing inaresto si Castro at kaibigan nito nang walang warrant.

“Kahit kailan, sa anumang panahon, mali ang “aresto now, paliwanag later,” tulad ng sinapit ni Direk Jade Castro at ng tatlo niyang kasamahan sa bayan ng Catanauan, Quezon,” ayon kay Hontiveros.

Pinanindigan ng PNP ang pag-aresto sa grupo ni Castro nang walang warrant dahil sa hot pursuit pero kinuwestiyon ito ng dependents dahil walang kasong isinampa laban sa kanila nang sila ay arestuhin.

Isinagawa ang pag-aresto sa kabila ng CCTV footage na nagpapakitang nasa ibang bayan sina Castro at kaibigan nito habang sinusunog ang modernong dyip.

Sinabi ng pulisya na hindi maaaring pagkatiwalaan ang CCTV footage dahil maaari itong baguhin.

Binatikos ni Hontiveros ang kawalan ng pagtitiwala ng pulisya sa CCTV footage.

“Hindi lang nakaka-alarma ang pahayag na ‘yan mula sa mga tagapagpatupad ng batas, nakakabawas rin ito ng tiwala ng publiko,” ayon kay Hontiveros.

“Tututukan ng Senado ang isyu na ito upang maisulong ang katotohanan, at masigurong naipapatupad nang tama ang batas para sa lahat,” dagdag niya. Ernie Reyes

Previous article‘Black Hearts Day’ protest kasado sa Peb. 14
Next articleComelec: Halos 90K nagparehistro para sa 2025 elections