CAMARINES SUR- Kinondena ng iba’t ibang grupo ng mamamahayag ang pag-aresto sa isang radio reporter dahil sa pag-scan ng police blotter sa Iriga City, Camarines Sur noong Agosto 2, 2023.
Inaresto ni Iriga City Police chief Col. Ralph Jason Oida si Bicol Radyo Natin Reporter Jose Rizal “Jorez” Pajares dahil sa paglabag sa Data Privacy Act of 2012.
Ikinulong si Pajares ng tatlong araw at pinalaya lamang ito matapos magbayad ng ₱10,000.
Nanawagan ang Bicol Press Club at Camarines Sur Press Club sa Philippine National Police (PNP), Presidential Task Force on Media Affairs, at iba pang kinauukulang ahensya na magsagawa ng masinsinan at walang kinikilingang imbestigasyon.
Anila, ang nasabing insidente ay nagsisilbing isang matinding paalala ng kahalagahan ng pagpapaunlad ng relasyon ng paggalang sa isa’t isa at pagtutulungan sa pagitan ng media at Philippine National Police.
Kinuwestiyon din ng National Union of Journalists of the Philippines ang pag-aresto, at sinabing ang Data Privacy Act “ay hindi naaangkop sa personal na impormasyong naproseso para sa layunin ng pamamahayag.”
Samantala, sinabi naman ni Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol Regional Police, na binuklat ni Pajares ang police blotter nang walang pahintulot.
Paliwanag ni Calubaquib, ang police blotter ay itinuturing na isang pampublikong dokumento, napakahalaga na ituring ito bilang kumpidensyal alinsunod sa mga patakaran ng hukuman, Data Privacy Act, at iba pang nauugnay na mga patakaran.
Sinibak na rin sa kanyang pwesto si Oida dahil sa pag-aresto kay Pajares na walang warrant of arrest.
Pinalitan si Oida ni Col. Jabes Nicolas Napolis bilang bagong hepe ng Iriga City Police Station. Mary Anne Sapico