Home NATIONWIDE Pag-atras ng BSKE bets sa Abra tinatalupan ng PNP

Pag-atras ng BSKE bets sa Abra tinatalupan ng PNP

MANILA, Philippines- Binubusisi ng Philippine National Police (PNP) ang biglang pagdami ng mga kandidato sa Abra na umuurong sa barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

“With or without iyong reklamo, with that number it is alarming already so pinapaimbestigahan na natin,” pahayag ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa isang press briefing.

Inihayag ni PNP deputy chief for administration Police Lieutenant General Rhodel Sermonia na nagtungo ang ilang politiko sa Abra sa national headquarters at iniulat na mayroong 250 withdrawal of candidacies.

Aniya, isa sa mga posibleng rason ay ang pagbabanta laban sa mga kandidato.

Inihayag niya na makatutulong ang PNP sa pamamagitan ng imbestigasyon sa mga “insidente” na naganap at pagtatalaga ng karagdagang mga pulis.

Noong Oktubre 18, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na nakatanggap ito ng inisyal na ulat na patay sa pamamaril ang isang kandidato para sa BSKE sa Bucay, Abra.

Inilahad ni Comelec chairperson Erwin Garcia na tumatakbo ang biktima bilang barangay councilor at natanggap umano nila ang impormasyon mula sa kanilang local office sa Abra.

“Yang development na ‘yan is, of course, a concern on the part of the Commission on Elections dahil kung medyo may nangyaring insidente na nagbuwis ng buhay ang isang kandidatong kagawad, although initial na report lamang sa atin ng ating provincial election supervisor, then napakaserious concern na ‘yan,” pahayag niya.

Ani Garcia, nakatatanggap ang poll body ng mga ulat ng election-related problems sa Abra, partikular sa Bucay.

Nauna nang sinabi ng Comelec na 122 kandidato sa Abra ang umatras sa BSKE.

“Talagang umaayaw. Kung tinatakot o hindi, wala po kasing ebidensiya so far. And therefore, nakikipag-coordinate tayo sa DILG (Department of the Interior and Local Government) at saka sa Philippine National Police,” wika niya.

Inihayag pa niya ilang guro rin ang umayaw sa pagsisilbi bilang Electoral Board members subalit nilinaw niyang wala itong kinalaman sa banta ng karahasan.

“‘Yung mga teachers talaga, ang pag-atras po kasi ay dahil sila ay related doon sa mismong mga kandidato sa mismong barangay. And therefore, wala naman po ‘yung sinasabing threat o violence against their person,” ayon kay Garcia. RNT/SA

Previous articleComelec mag-iisyu ng reso sa pagsuspinde sa proklamasyon ng kandidatong lumabag sa poll rules
Next articleDigong kinasuhan ng solon