Home NATIONWIDE Pag-iimbita sa mas maraming OFW na umuwi sa bansa, suportado ng BI

Pag-iimbita sa mas maraming OFW na umuwi sa bansa, suportado ng BI

MANILA, Philippines – SUPORTADO ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang hakbang na mag-imbita ng mas maraming overseas Filipinos na bumisita sa bansa.

Sinabi ni Tansingco na ang pag-imbita ng mas maraming overseas Filipino na umuwi at magbakasyon sa bansa ay magkakaroon ng potensyal na benepisyo sa ekonomiya at kultura, na magpapatibay na ugnayan sa pandaigdigang Filipino community.

Batay sa talaan ng BI na noong 2023, nakapagtala ang Pilipinas ng kabuuang 12,681,231 arrivals, na may malaking pasahero mula sa Amerika at Canada, na pangunahing destinasyon ng mga migranteng Pilipino.

Ang mga Amerikano, na may kabuuang 1,186,135, habang ang mga Canadian ay nag-ambag ng 271,955 na arrivals, na marami sa mga ito ay mga dating Pilipino at kanilang mga pamilya na nagbakasyon sa Pilipinas.

Ginawa ni Tansingco ang pahayag kasunod ng panukala ni House of Representatives Minority Leader Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan na akitin ang mas maraming overseas Filipinos na bumisita sa Pilipinas.

Sinabi ni Libanan, na nagsisilbing kinatawan ng 4Ps partylist, na ang paggasta ng mga overseas Filipino na bumibisita sa Pilipinas ay maaaring magpalakas sa kita ng bansa sa turismo at paglago ng mga trabaho.

Iginiit naman ni Tansingco na ang mga dating Pilipino mula sa mga bansang hindi nangangailangan ng visa, kasama ang kanilang asawa at mga anak na kasama nila sa paglalakbay, ay makakakuha ng isang taong visa-free stay bilang bahagi ng kanilang pribilehiyo sa balikbayan.

Ang paninindigan ng BI ay umaayon sa layunin ng Department of Tourism na makaakit ng mas maraming internasyonal na turista.

“Our focus on supporting tourism aligns with the larger goal of creating vibrant and sustainable connections with our global Filipino community,” ani Tansingco. JAY Reyes

Previous articleIba’t ibang booth tampok sa Bambanti Festival 2024
Next articleExtension ng PUV consolidation, inaprubahan ni PBBM