Home HOME BANNER STORY Pagbabalik ng Pinas sa ICC, pinag-aaralan – PBBM

Pagbabalik ng Pinas sa ICC, pinag-aaralan – PBBM

MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pinag-aaralan ng administrasyon kung dapat bang bumalik ang bansa sa International Criminal Court (ICC) sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon ng tribunal prosecutor sa mga pagpatay sa giyera kontra droga.

“There’s also a question should we return under the fold of the ICC. That is under study. We’ll just keep looking at it and see what our options are,” anang chief executive sa mga reporter ngayong Biyernes, Nobyembre 24.

Ang pahayag ni Marcos ay matapos maghain ng House resolution ang mga mambabatas na nananawagan sa gobyerno na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC sa madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.

Tatlong resolusyon na ang inihain sa ngayon nina Rep. France Castro, Arlene Brosas, Raoul Daniel Manuel, Bienvenido Abante Jr., Ramon Rodrigo Gutierrez, at Edcel Lagman.

Gayunman, sinabi ni Marcos na may mga isyu pa rin sa mga tuntunin ng hurisdiksyon at soberanya.

“If we can solve those problems then it will be something else. Medyo fundamental ang kwestyon na ganun. If you talk about the jurisdiction of ICC, especially since we have withdraw from the Rome Statute a few years back, that pinag-uusapan kung posible iyon,” aniya.

Sinabi ni Marcos na “hindi tama” na ang mga dayuhan ang magdidikta kung sino ang dapat imbestigahan at arestuhin ng mga awtoridad ng Pilipinas.

“Hindi naman siguro tama yun. Dapat Pilipino ang gumagawa niyan. May PNP (Philippine National Police), NBI (National Bureau of Investigation), at DOJ (Department of Justice) tayo. Kaya nila ang trabahong yan. That is where the conflict is ,” dagdag pa ng Pangulo.

Ang pag-withdraw ng Pilipinas sa ICC ay nagkabisa noong Marso 2019, isang taon matapos ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa drug war ng kanyang administrasyon. RNT

Previous articleGuro, asawa patay sa tambang; krimen kinondena ng DepEd
Next articleSanya, inilaglag si Alden, pinili si Joshua!