MANILA, Philippines- Isinapinal ng election watchdog organizations ang kanilang monitoring strategies at mga paghahanda para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections ngayong Lunes.
Sa isang public media conference nitong Linggo, ibinahagi ng National Citizens’ Movement for Free Elections na nagtalaga sila ng standby volunteers sa ilang lugar upang bantayan ang mga insidente na maaarng maganap sa kasagsagan ng eleksyon.
“Nakahanda na yung aming volunteers. In fact, ilang lingo nang nakahanda yan,” sabi ni NAMFREL Chairman Lito Aviera.
“Yung aming mga volunteers, may access naman sila dun sa report nga nung monitoring naman nila. So, bukod sa pagbabantay hinihikayat namin yung mga publiko na i-download kung meron silang iPhone o di kaya Android phone pwedeng i-download yung NAMFREL app para makapag-report ng incidents,” paglalahad pa niya.
“Yung iba’t-ibang mga organisasyon, meron din sariling mga monitoring. Actually, nangyari na siya since last week yung monitoring ng campaign may natanggap na kaming pangilan-ngilang reports nga pero siyempre full force yan bukas,” ayon naman kay Kontra Daya Spokesperson Maded Batera III.
Nakatanggap ang Kontra Daya ng ilang ulat ng red tagging ng mga kandidato sa ilang lugar sa bansa tulad ng Cebu at Tondo; at ulat ng pagharang sa COC filing sa Batangas.
“We are collecting this data in order to make a statement that red tagging and all these forms of electoral harassment and, of course, violence that there is proof that there needs to be structural changes nga sa kung paano pinapatakbo yung elections,” ani Batera.
Tututukan ng Kontra Daya ang mga ulat online sa pamamagitan ng social media posts na may kalakip na #KontraDaya at #VoteReportPH.
Naglabas din ng public form para sa incident reports sa BSKE ngayong Lunes. RNT/SA