
ILANG buhay pa kaya ang kailangang ibuwis at ilang ari-arian pa ang mawawasak upang tuluyang mabigyan ng solusyon ang pagbagsak ng mga poste ng kuryente sa iba’t-ibang lugar sa Kamaynilaan at sa karatig pang lalawigan.
Pinakahuli nga rito ay ang pagbagsak ng siyam na poste ng kuryente sa may Quintin Paredes St., Binondo na malaki ang posibilidad na dulot ng mabigat at malalaking kawad dahil kung mapapansin ay puro konkreto ang mga nagbagsakang poste.
Sa post ng isang netizen, ipinakita ang larawan ng isa sa mga konkretong posteng bumagsak noong nakatayo pa sa gilid ng kalsada ng Quintin Paredes pero mapapansin na nakahapay na kaya marahil kinuhanan ng larawan para ipanawagan sa kinauukulan.
Mabuti nga lang, alang nalagas na buhay sa nangyaring pagbagsak ng siyam na poste bagama’t tatlo ang bahagyang nasugatan habang walong sasakyan ang nasira.
Hindi tulad ng nangyari sa isang Angkas driver na malubhang nasugatan noong nakaraang taon sa Brgy. Tañong, Malabon City nang mabagsakan ng tumumbang poste pero minalas na nasawi ang kanyang babaeng pasahero. May ilan pang mga insidente nang pagbagsak ng poste ng kuryente sa maraming lugar na hindi lang nagdulot ng kamatayan at pagkasira ng ari-arian kundi perwisyo rin sa mga customer dahil nawalan sila ng suplay ng kuryente.
Hindi lang naman ang kompanya ng kuryente ang dapat sisihin sa mga nangyayaring pagbagsak ng mga poste dahil hindi lang mga kawad nito ang nakasampay sa kanilang mga poste kundi pati na rin ang iba’t-ibang telecommunication company na walang sariling posteng paglalagyan ng kanilang mga kawad.
Hindi natin batid kung umuupa ang telcos sa kompanya ng kuryente para payagan silang gamitin ang kanilang poste pero dahil may nangyari na namang ganitong uri nang pagbagsak ng mga poste na konkreto pa naman, magsasagawang muli nang malalimang imbestigasyon ang Bureau of Fire Protection pati na ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila.
Kung tutuusin, makikita naman talaga kung ano ang dahilan nang pagbagsak ng mga poste dahil bilang isang commercial area ang Binondo, isang katerba ang mga nakasabit na malalaking kawad sa poste lalo na ang telcos kaya mistulang spaghetti talaga ang buhol-buhol na mga kawad.
Kaya tuloy maging ang mga kawad sa kabilang kalsada ng Juan Luna ay inaayos na rin ngayon dahil kitang-kita ang napakalalaki at sapin-saping mga kawad ang nakasabit sa mga poste rito.
Totoong maraming dahilan kung bakit bumabagsak ang ilang poste ng kuryente at kabilang na rito ang napakaraming malalaking kawad na karamihan ay sa telcos, mga bulok at inaanay ng mga posteng kahoy, hindi maayos na pagkakalagay ng bagong itinayong poste, pagsabit ng mga malalaking sasakyan sa mga mabababang kawad, pati na siyempre kung may matinding sakuna tulad ng lindol at malalakas na bagyo.
Sa ngayon, umugong na naman ang panawagan na kailangang nakabaon na sa ilalim ng lupa ang mga kawad ng telcos sa halip na isabit sa mga poste. Kailangan para ito matupad ay matinding paninindigang politikal o political will.
Alam naman natin kung gaano kalakas ang impluwensiya sa mga pulitiko ng mga may-ari ng mga telcos kaya tiyak na kapag lumamig na naman ang isyu tungkol sa mga nagbabagsakang poste, mababaon na naman sa limot ang naturang panukala.
Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.