Home NATIONWIDE Pagbabawal sa POGO, online gambling muling inihirit sa Senado

Pagbabawal sa POGO, online gambling muling inihirit sa Senado

Muling iginiit ng isang senador ang pagsasabatas ng Senate Bill No. 1281 na naglalayong ipagbawal ang lahat ng uri ng online gambling tulad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), e-sabong atbp sa buong bansa.

Ipinanawagan ito ni Senador Joel Villanueva matapos dumagsa ang ebidensiya na nagsasangkot sa POGO sa ilang krimen tulad ng torture, kidnapping, murder at human trafficking.

“There should be no debate that the social costs of gambling far outweigh any benefits. We must put an end to this once and for all,” ayon kay Villanueva sa statement.

Sinabi ni Villanueva na nabigo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), ang gaming regulator ng bansa, na tiyakin na magsasagawa ng legal na operasyon ang POGO sa bansa, ngunit, kabaligtaran ang nangyayari.

Dumagsa ang POGO sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na dating sinusuportahan ni Villanueva bilang miyembro ng mayorya ng Senado.

“In fact, the POGOs raided in Bamban, Tarlac, and Porac, Pampanga were both ex-PAGCOR licensees found to be running scam operations,” ayon kay Villanueva.

Aniya, kailangan nang kumilos ang pamahalaan partikular sa PAGCOR laban sa ilang krimen na kinasasangkutan ng POGO.

“This is why we reiterate our call not only to completely ban POGOs but also all forms of online gaming,” aniya.

Iginiit din ng dating Senate majority leader na dapat iimbestigahan ng PAGCOR ang iba pang online gambling tulad ng e-sabong na madaling nakakapaglaro gamit ang mobile device.

“This should be a concern as their attractive advertisements on various social media platforms can entice anyone to play,” aniya.

Ipinanukala ni Villanueva sa SB 1281 na dapat parusahan ang sinumang sangkot sa online gambling nang hindi lalampas sa anim na buwang pagkakakulong o multang P500,000

“The consequences of gambling and online gambling are too severe to be ignored. The cost of gambling is no longer limited to the loss of money, but extends to the loss of values and lives,” ayon sa explanatory note ni Villanueva sa paghahain ng panukala noong September 2022. Ernie Reyes