TAMA at nararapat lang ang paninindigan ng Pilipinas na isara na nang buo ang pintuan nito laban sa International Criminal Court.
Matatandaang gustong manghimasok sa takbo ng hustisya sa bansa ang ICC at ibinasura nito ang apela ng Pilipinas na hayaan ang sistema rito na umiral kaugnay ng mga patayang naganap sa giyera sa droga noong panahon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Pinalalabas ng ICC na bigo ang Pilipinas na igawad ang katarungan at tahasang hindi kumikilos ang pamahalaan para panagutin ang umano’y mga responsible sa mga walang habas na pagpatay at silang taga-ICC lang ang makagpahahatid ng katarungan at makapagpaparusa sa mga ito.
SINELYUHAN MISMO NI PANG. BONGBONG
Mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nagselyo sa lagot nang relasyon ng Pilipinas at ICC.
Nauna rito, si Pang. Digong ang lumagot sa relasyon ng Pilipinas sa ICC at kinilala ng ICC ito ngunit ipinipilit nitong doon sa mga panahon na hindi pa kumakalas ang bansa ito may kapangyarihan na manghimasok dahil kasapi pa umano ng ICC ang bansa noon.
Sa posisyon ngayon ng lahat ng opisyal, malinaw na idinideklara nilang wala nang anomang panahon sa panunungkulan ni Pang. Digong ang pupwedeng pakialaman ng ICC.
Para kay Pang. Bongbong, tapos na ang panahon ng kolonyalismo na mga dayuhan ang naghahari sa bansa.
May soberenya o sarili nang kapangyarihan na magpasya ang Pilipinas sa kahit anong usapin, maging sa larangan ng katarungan, at hindi na kinakailangan ang kumpas at dikta ng mga dayuhan.
ICC WALA NANG HURISDIKSYON
Sa ligal na mga usapin, sinasabi nina Solicitor General Menardo Guevarra at Department of Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla na hindi pupwedeng makialam ang ICC sa sistemang pangkatarungan sa mahal kong Pinas.
‘Yun bang === dahil kumalas na nga ang mahal kong Pinas sa ICC, wala nang hurisdiksyon o kapangyarihan ang ICC na imbestigahan at litisin ang sinomang inaakusahan sa mga krimen na sakop nito gaya ng genocide, krimen sa digmaan, crimes against humanity gaya ng rape, sexual slavery, enforced prostitution and forced pregnancy at iba pa.
Paliwanag ni Sec. Remulla, buhay na buhay ang mga alagad ng batas laban sa krimen, prosekusyon, hukuman, bilangguan at ang komunidad na mga pundasyon ng sistemang pangkatarungan.
At kung meron mang mga ebidensya ang ICC o mga complainant, dalhin nila lahat sa Pilipinas para sa paglilitis at Pilipino mismo ang gagawa ng pag-iimbestiga, paglilitis, pagkukulong at hindi silang mga dayuhan.
Ayon naman kay SolGen Guevara, nakikisama lang ang Pilipinas sa ICC nang umapela ito subalit hindi nangangahulugang tinatanggap na natin ang hurisdiksyon ng huli.
Ngunit higit sa mga usaping ito ang punto ni Pang. Bongbong na wala nang karapatan ang mga dayuhan na manghimasok at diktahan ang gagawin ng bansa sa usapin dahil paglapastangan ito sa soberanya ng Pilipinas. (ITUTULOY)