Home NATIONWIDE Pagbenta ng public agri lands pasisimplehin

Pagbenta ng public agri lands pasisimplehin

230
0

MANILA, Philippines – Aprubado na sa Kamara ang panukalang pag-amyenda sa 87-anyos na Commonwealth Law upang maging mas simple ang pagbenta ng mga agricultural land na pagmamay-ari ng gobyerno.

Aamyendahan ng ipinasang House Bill No. 7728 ang Section 24 ng Public Land Act of 1936.

Ang Public Land Act of 1936 (Commonwealth) ay isang batas kaugnay ng klasipikasyon, delimitation, survey, at disposisyon ng mga lupa na maaaring ibenta o ilipat sa iba ang pagmamay-ari.

Sa ilalim ng panukala, ang mga abiso para sa pagbebenta ay dadaan sa DENR Central Office at sa halip na anim na beses ilabas ang abiso, gagawin na lamang itong dalawang beses na dapat ilabas sa Official Gazette at dalawang pahayagan.

Ang isa sa mga pahayagan ay dapat nasa Metro Manila, at ang isa ay sa munisipyo o kalapit na probinsya kung saan matatagpuan ang ibinebentang lupa ng gobyerno.

Ang abiso ay dapat ding ilagay sa bulletin board ng DENR Main Office at sa provincial o municipal building kung saan matatagpuan ang lupang ibinebenta.

Kung ang halaga ng lupa ay hindi lalagpas ng P50,000, hindi na ito kakailanganing pang ilathala sa OG o pahayagan at kailangan na lamang ilagay ang abiso sa tatlong lugar—sa barangay, munisipyo, at sa lupang binibili o ibinebenta.

Ang abiso ay dapat nakasulat sa Ingles at sa lokal na diyalekto.

Ang aktwal na bentahan ay maaari ng mangyari pagkatapos ng 30 araw mula ng ilathala ang abiso, mas maikli kumpara sa kasalukuyang 60 araw.

Ang pagbebentahan ng lupa ng gobyerno ay ang nakapag-alok ng pinakamataas na presyo.

Sa oras na maisabatas ang kalihim ng DENR ang syang aatasan na bumalangkas ng Implementing Rules and Regulation. Gail Mendoza

Previous articleKALAMIDAD HINDI BIRO
Next articleNatGas kapalit ng coal na energy source sa Pinas, lusot sa Kamara

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here