Home NATIONWIDE Pagbibigay ng RFID discounts sa seniors, PWDs tiniyak sa Kamara

Pagbibigay ng RFID discounts sa seniors, PWDs tiniyak sa Kamara

MANILA, Philippines- Inihayag ni House Speaker Martin Romualdez na nakakuha ito ng “assurance” mula San Miguel Corp. (SMC) na magbibigay ng 20% discount sa senior citizens at persons with disability (PWDs) sa paggamit ng expressways at skyways sa Metro Manila, southern Luzon at Northern Luzon.

Sa naganap na joint hearing ng House Committee on Ways and Means, Committee on Senior Citizens at Special Committee on PWDs kung saan tinalakay ang hindi maayos na pagbibigay ng mga establisimyento ng 20% discounts sa seniors at PWDs ay nagbigay ng katiyakan ang SMC na sa kanilang panig ay makaaasa ng diskuwento.

Sa nasabing pagdinig ay sinabi ni dating Public Works Undersecretary Rafael Yabut, na ngayon ay head ng SMC- infrastructure group, na handa nilang suportahan ang panawagan na bigyan ng 20-percent discount ang seniors at PWDs sa tollways.

Sinabi nito na makikipag-ugnayan sila sa Toll Regulatory Board (TRB) kung paano maibibigay ang diskuwento.

Suhestiyon ni Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House Ways and Means, sa halip na ibawas ang 20 percent sa halaga ng RFID ay mainam na idagdag na lamang ito bilang load.

“In other words, it would be an add-on. If you buy P5,000, you get P6,000, or P1,000 more, which is equivalent to 20 percent. There is no loss on the part of the expressway/skyway operator,” paliwanag ni Salceda.

Ang RFID sticker na may discount ay dapat nakapangalan sa senior citizen o PWD.

Ang SMC ang siyang nag ooperate ng Metro Manila at Ninoy Aquino International Airport skyway system, South Luzon Expressway, Southern Tagalog Arterial Road at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway.

Ang Metro Pacific Corp ay ang nag-ooperate sa North Luzon Expressway, Subic-Clark-Tarlac Expressway, Cavite-Laguna Expressway, Cavite Expressway at NLEX-SLEX Connector. Gail Mendoza

Previous articleWillie, may bagong yate!
Next article3 tulak nalambat sa P3.4M shabu