
MANILA, Philippines- Nakatakdang higpitan ng Senado ang pagbili ng bakuna at iba pang critical life-saving supplies sa panahon ng pambansang kagipitan sa hinaharap sa pamamagitan ng pagsasama ng mas maraming ahensya sa negosasyon.
Inimbestigahan ng Senate blue ribbon committee ang pagtanggi ng Department of Health (DOH) sa paglalantad ng vaccine procurement contracts dahil sa non-disclosure agreements (NDAs) na nilagdaan ng Pilipinas at taga-manupaktura ng bakuna sa COVID-19.
Alinsunod sa 97-pahinang report na ipinalabas nitong nakaraang linggo, natuklasan ng panel sa pagdinig na hindi lumahok ang DOH sa negosasyon ng bansa sa pagbili sa COVID-19 vaccine manufacturers.
“It was the National Task Force and the Department of Finance (DoF) who represented the government of the Philippines. The DoF was designated as the lead negotiator for the procurement of COVID-19 vaccines,” ayon sa ulat.
Dahil dito, inirekomenda ng komite sa gobyerno na dapat isama ang lahat ng end user, partikular ang DOH, sa negosasyon ng kontrata.
Inirekomenda din ng lupon na isama ang Office of the Solicitor General bilang bahagi ng “proper negotiating team” sa pagbili ng bakuna sa hinaharap.
Ayon sa panel na gagawin ito “ti ensure that any and all terms and conditions with foreign governments, corporations, entities or individuals are in compliance with the Constitution and the law.”
Inaatasan din ng lupon na dapat palaging payagan ang Kongreso na suriin ang terms and conditions ng supply agreement na nilagdaan ng kinatawan ng gobyerno sa anumang NDAs.
Inatasan din ang DOH sa mga sumusunod:
-
Pagpapahusay sa data management system
-
Pagpapaigting ng public information sa pamamagitan ng regular public briefings upang hikayatin ang publiko na magpaturok ng booster shots