Home METRO Pagbili ng Chinese jeepneys ‘di ipinipilit ng pamahalaan – DOTR

Pagbili ng Chinese jeepneys ‘di ipinipilit ng pamahalaan – DOTR

MANILA, Philippines – Iginiit ng isang transportation official nitong Miyerkules, Enero 10 na hindi ipinipilit ng pamahalaan sa mga kooperatiba na bumili lamang ng modern jeepneys na gawa sa China.

“Sa parte ng DOTR, dito sa akin sa OTC, we never said na dapat made in China. Lagi po naming sinasabi, nasa kamay ng mga kooperatiba, ng mga korporasyon, ang pamimili ng modern vehicles. It’s their choice, maraming choices,” pahayag ni Jesus Ferdinand “Andy” Ortega Jr., chairman ng Department of Transportation Office of Transportation Cooperatives.

Kamakailan ay inatasan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang House Committee on Transportation na busisiin ang mga ulat ng korapsyon na posibleng umiiral sa conceptualization at planong implementasyon ng modernization program.

“The reports allege that existing transport officials are in cahoots with previous officials in negotiating for the imported modern jeepney units that will replace the old units,” saad sa pahayag ni Romualdez.

Nitong Martes, nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na hindi sila ang makakapagdikta kung anong brand o model ng jeepney units ang dapat na bilhin ng mga kooperatiba at operator para makatugon sa PUV modernization program ng pamahalaan.

Sa panayam, sinabi ni Ortega na posibleng tumututol ang ilang grupo sa PUV modernization dahil sa balita na pinapaboran ang mini-buses na gawa ng China sa programa.

“Walang nakalagay na dapat made in China, pati ‘yung design wala ring nakalagay na dapat minibus. Depende sa manufacturer, depende sa kooperatiba kung ano ang gusto nilang piliin,” aniya.

“Meron kaming bagong guidelines, kalalabas, ine-encourage namin na magkaroon ng iconic jeepney design yung mga vehicle.

Pag-acquire ng modern vehicle, it will take years. Meron pang panahon ‘yung mga kooperatiba o ‘yung mga nag-consolidate to strengthen their groups, pagandahin yung pagpapatakbo ng kanilang negosyo, then later on na yung kailangan nilang bumili ng modern, safe, reliable vehicle,” dagdag pa niya. RNT/JGC

Previous articleRegional issues tinalakay nina PBBM, Widodo
Next articleRewind, topgrosser nga, pinirata naman!