Home HEALTH Pagbisikleta isinusulong ng DOH bilang healthy, sustainable transportation

Pagbisikleta isinusulong ng DOH bilang healthy, sustainable transportation

MANILA, Philippines — Hinikayat ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa ang publiko na gumamit ng mga bisikleta dahil isa itong “sustainable, affordable, and alternative” na paraan ng transportasyon alinsunod sa pagdiriwang ng bansa ng World Bicycle Day.

“Ang pagbibisikleta ay isang simple ngunit epektibong paraan ng ehersisyo at nakakatulong sa pagbabawas ng antas ng polusyon sa bansa,” ani Herbosa nitong Sabado sa “The Pedal for a Sustainable Future – A World Bicycle Day Celebration” event sa Taguig City.

Ayon sa bagong hinirang na pinuno ng DOH, ang kaganapan ay naglalayong itaas ang kamalayan sa mga benepisyo ng pagbibisikleta “para sa kapaligiran at sa kalusugan at kapakanan ng mga indibidwal,” habang inilunsad nito ang Active Transport Playbook.

Sinabi ni Herbosa na ang ahensya ay nagbigay ng pondo na nagkakahalaga ng P1,150,000 para sa promosyon ng Active Transport initiative, na naglalayong isulong ang pagbibisikleta at paglalakad “bilang mabisang paraan upang mabawasan ang paglaganap ng mga non-communicable disease.”

Idinagdag nito na ang World Bicycle Day ay isang pandaigdigang inisyatiba ng United Nations General Assembly na itinatag noong 2018, na nagtataguyod ng paggamit ng bisikleta “bilang isang paraan ng pagtanggal ng kahirapan; pagpapasulong ng napapanatiling pag-unlad; pagpapalakas ng edukasyon, kabilang ang pisikal na edukasyon, para sa mga bata at kabataan; pagtataguyod ng kalusugan; pag-iwas sa sakit; at pagpapadali sa panlipunang pagsasama at isang kultura ng kapayapaan,” ayon sa World Health Organization. RNT

Previous articleUltra Lotto Jackpoct umabot na sa P233M!
Next articleCOVID-19 positivity rate ng Pinas bumulusok sa 14.8% – Octa