Pagbubuwis sa FB, Netflix, iba pang digital services, lilikom ng P29.1B kapalit ng nilusaw na pondo ng COVID-19

Pagbubuwis sa FB, Netflix, iba pang digital services, lilikom ng P29.1B kapalit ng nilusaw na pondo ng COVID-19

May 21, 2020 @ 1:31 PM 1 week ago

  •  
  •  
  •  
Share

Manila, Philippines – Inihain kamakailan sa Kamara ni House Ways and Means Committee chairman, Rep. Joey Sarte Salceda (Albay, 2nd district) ang kanyang House Bill 6765 na pinamagatang “An Act Establishing a Fiscal Regime for the Digital Economy,” na naglalayong pakinabangan ang dapat na buwis na makokolekta sa ‘digital economy’ ng bansa.

Malinaw at simple lamang ang naturang panukalang batas kung saan layunin nitong gawing ‘withholding agents’ ang mga “e-commerce platforms” gaya ng Lazada at magsisilbi silang katulong ng pamahalaan sa pagkolekta ng VAT mula sa mga nagbebenta ng mga produktong hawak nila.

Oobligahin din ng batas ang  “digital service providers” gaya ng Facebook, Google at Netflix na magkaroon ng sangay na tanggapan o kasusyong ‘partner’ na may tanggapan sa bansa bago sila mapayagang maging “digital advertising platform” at dapat din silang magbayad ng VAT at corporate income tax (CIT) na hindi nangyayari ngayon kahit malaking halaga ang kinikita nila sa Pilipinas.

Tinatayang aabot sa P29.1 Bilyon ang malilikom na buwis nito. Kailangan lang amyendahan ang Sections 57, 105, 108 at 114 ng National Internal Revenue code.

“Sa totoo, wala namang bagong buwis na ipapataw. Ang panukala ko ay isang tax administration measure lamang. Nais lang nating magbayad naman sila ng dapat nilang bayaran dahil malaki ang kinikita nila mula sa mga Pilipino. Kung ikaw ay isang kumpanyang “digital network” na kumikita rito mula sa ‘video-streaming or music-streaming services,’ at ‘advertising services’ dapat magbayad ka ng buwis,” paliwanag ni Salceda.

Ayon sa kanya, walang buwis na binabayaran ang gaya ng Facebook at Google ngayon.

“Ang laki po ng kinikita nila sa mga Pilipino, pero ni isang kusing ng VAT, wala silang binabayaran,” dagdag niya.

Pinuna rin niya na lalong napabilis ng COVID-19 pandemic ang paglago at pagsulong ng mga ‘internet’ na pamilihihan gaya ng Lazada, Shoppee at iba pa na ang sistema sa pagsingil at pagbayad ng akmang buwis ay dapat maisaayos.

Maaari rin diumanong gawin silang ‘withholding tax agents’ dahil aktuwal nilang nahahawakan ang bayaran sa transaksiyon at pera.

Kasama rin sa mga layunin ng HB 6765 ang mga sumusunod:

1) Gawing “withholding agents” ang mga “network orchestrators” gaya ng Angkas, Grab at iba pang katulad nila para sa ‘income taxes’ ng kanilang partners upang huwag naman silang sobrang mabigatan, habang isinusulong ang pagtupad sa batas;

2) Linawin na ang mga ‘electronic transactions’ ay may pataw ring VAT:

3) Ipaunawa na ang ‘digital advertising’ sa pamamagitan ng internet na ginagawa ng malalaking kumpanyang gaya ng Facebook, Google at iba pa, at ‘subscription-based services’ gaya ng ginagawa ng Netflix at Spotify, ay dapat magbayad din ng VAT;

4) Gawing ‘network orchestrators for lease services’ ang mga gaya ng AirBnB, at ‘withholding agents‘ ang mga ‘electronic commerce platforms’ katulad ng Lazada at Shopee;

at 5) Igiit na ang lahat ng ‘digital network firms’ na nagnenegosyo sa Pilipinas at dapat mayroong ‘resident agent’ o kinatawang tanggapan sa bansa at sumunod sila sa pagbubuwis at mga alituntunin sa pagpapatupad nito.

Tiniyak din ni Salceda na layunin din ng HB 6765 na protektahan ang karapatan ng mga karaniwang gumagamit ng social media at hindi ito magiging pabigat sa kanila. Ang istratehiyang nito ay ginagamit na sa India at Indonesia. Tinatantiyang lilikom ito ng P30 bilyon taon-taon para sa bansa.

“Kailangang humanap tayo ng mga bagong mapagkukunan ng buwis para sa ating pamahalaan kaya ilang ‘tax bills’ na ang naihain ko. Kasama rito ang mga panukalala kong POGO tax at ‘road users tax’ na hindi pabigat sa mga karaniwang Pinoy.

Lilikom ito ng mga P65-70 bilyon isang taon kung lalong magiging mabisa ang BIR at iba pang ahensya sa pangongolekta. Kung idaragdag dito ang P30 bilyong lilikumin ng HB 6765, matutugunan agad ng House Ways and Means Committee natin ang P100 bilyong kailangan ng ating bansa,” paliwanag ng mambabatas. RNT

Share

Leave a Reply

Loading...