COTABATO CITY, Philippines – Patay ang tatlong biktima habang dalawa ang sugatan sa nangyaring barilan na nag-ugat lang sa pagdidikit ng campaign posters para sa barangay elections sa Barangay Rosary Heights 12, Cotabato City nitong Lunes ng gabi.
Base sa imbestigasyon, nagsasabit ng mga poster ang mga biktima nang paputukan sila ng mga suspek bandang alas-9:30 ng gabi, ayon kay PCol. Querubin Manalang, hepe ng Cotabato City police.
Dead on arrival sa ospital si Nur-Moqtadin Butucan, kandidato sa pagka-barangay kagawad ng Rosary Heights 12; Alfar Singh Ayunan Pasawiran, 21-anyos na barangay kagawad candidate sa Kalanganan 2; at si Faisal Abas, residente ng Kalanganan 2.
Dalawa sa mga nasawi ay tumatakbong barangay kagawad, ayon sa pulisya.
Sugatan naman si Saipul Sapalon at Fajeed Daud, parehong residente ng Kalanganan 2.
Naaresto ng mga awtoridad ang 12 indibidwal kung saan isa rito ay kinilalang si Juhalidin Ladesla Abdul alias “Boyong,”na kandidato bilang barangay chairman sa Rosary Heights 12, ayon pa sa ulat.
Narekober sa mga ito ang dalawang pistol, isang armalite rifle, bala at handheld radio. RNT