Home NATIONWIDE Pagdinig ng Senado sa medical cannabis bill, tapos na

Pagdinig ng Senado sa medical cannabis bill, tapos na

382
0

MANILA, Philippines- Tuluyan nang isinara ng Senate subcommittee ang pagdinig sa medical cannabis bill na naglalayong gawing legal ang paggamit ng marijuana sa panggagamot at hindi gawing bisyo.

Sinabi ni Senador Robin Padilla, chairman ng Senate subcommittee on health and demography na sarado na ang deliberasyon sa panukalang “Medical Cannabis Compassionate Access Act.”

Ayon kay Padilla sa pagtatapos ng pagdinig, dapat suportahan ng stakeholdes at resource persons ang panukala partikular ang pagbubuo ng committee report sa pamamagitan ng technical working group.

“Inaasahan ko rin po ang inyong suporta kapag umusad na sa plenaryo ang panukalang ito. Ito pong oras na ito ang atin pong pagdinig ay atin na pong tatapusin,” ayon kay Padilla.

Natuklasan na sa unang bahagi ng pagdinig, ibinahagi ni Ricardo Penson, presidente at CEO ng Penson and Company Inc., sa komite ang kanilang study tour sa Israel kung saan nagsagawa sila ng ocular visit kasama si Padilla sa mga pasilidad na gumagawa ng pharmaceutical grade cannabis.

Sa naturang pagbisita, nakipagpulong sila sa mga opisyal ng Israel Medical Cannabis Agency kaya natuklasan nila na mula sa pagtatanim hanggang sa pagsasaka, tinitiyak na dapat maging pharmaceutical grade ang cannabis.

“They do not allow the introduction of any microbes or germs on the plant itself. In fact, they are all grown without the use of soil,” aniya.

Iminungkahi ni Penson sa Department of Agriculture na pag-aaralan ito dahil nagtatanim ang Israel ng cannabis gamit ang coconut hemps at hindi lupa.

Aniya, nakipagtulungan ang Ministry of Health sa Ministry of Agriculture ng Israel na magsagawa ng research and development sa cannabis na may utos na payagan ang halaman para sa medical purposes at hindi sa personal na paggamit.

Nakalikha ang Israel ng mahigit 160 strains ng cannabis na may target na specific medical condition.

Sa regulasyon ng paggamit ng medical cannabis, mayroon itong barcode na namo-monitor ng ahensya hanggang makonsumo ang produkto ng pasyente.

“It is tracked to which dispensary or pharmacy it went through, which doctor issued the prescription for use of that, kung sinong pasyente ang tumanggap ng prescription, saang drugstore or pharmacy binili, ilang araw niya na-consume. Pag-surrender ng package tiyaka lang nila ite-terminate yung barcode na yon na consumed na,” aniya.

“Yung full cycle nila na yan ang siguro kailangan din nating matingnan nang maigi dito sa ating bansa kung ito ay matuloy na magawa natin dahil ang tungkulin po ng estado dito ay yung monitoring, yung [regulation],” diin pa ng opisyal.

“[Marijuana] was only a discriminatory name given to the cannabis dahil pagtawid galing sa Mexico papuntang America, tinawag nilang Maria Juana,” paliwanag pa ni Penson.

Sinabi ni Padilla na isasama sa kanyang panukala ang Israel model upang payagan ang cannabis para sa medical use.

“Kilala po ang Israel bilang isa sa mga bansang mayroong pinaka-maayos at pinaka malinaw na batas at regulasyon sa medical cannabis. Sila rin po ang may pinaka-mayabong na pag-aaral at pananaliksik ukol dito. At kung usapin lang din ng law enforcement o pagpapatupad ng batas, wala nang mas hihigpit pa sa Israel. Ang ating nasaliksik sa Israel ay isasama natin sa ating balangkas na batas na tugma din sa pangangailangan ng medical cannabis dito sa atin,” aniya.

Layunin ng panukala na bigyan ng karapatan ang pasyente na bigyan ng opsyon para sa kanilang kondisyong medikal.

“Obligasyon po natin bilang isang mambabatas na punuan ito – na bigyan ng kalayaang mamili ang may karamdaman ng paraan ng paggagamot na sa tingin niya ay nararapat sa kanya, kaagapay ng prescription ng kanyang doktor,” aniya. Ernie Reyes

Previous article‘Pagkakait’ ng ruta sa mga tsuper, pinabulaanan ng DOTr
Next articleLotto Draw Result as of | July 13, 2023

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here