MANILA, Philippines- Pinamamadali ng Land Transportation Office (LTO) ang paggawa ng mga plaka sa layuning matugunan ang atraso para sa parehong mga sasakyang de-motor at motorsiklo.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II, naka-order na sila ng humigit-kumulang 15.9 milyong metal plates at humigit-kumulang isang milyon na ang nai-deliver sa ahensya para sa embossing.
Nabatid pa ang 15.9 milyong plaka ay iniutos ng LTO sa pamamagitan ng Department of Transportation sa pamumuno ni Secretary Jaime Bautista.
Kaugnay nito, sa budget hearing ng Department of Transportation sa Senado, sinabi ni Mendoza kay Senator JV Ejercito na aabutin ng mahigit dalawang taon bago matugunan ang 13 milyong backlog sa mga plaka, na karamihan ay para sa mga motorsiklo at para sa pagpapalit ng mga plaka mula sa lumang berde na mga plato sa bagong puting mga plato.
“Mayroon na tayong mga makina na gagamitin sa pag-emboss ng mga plaka at sisimulan na natin ang buong produksyon ngayong Oktubre (2023),” ani Mendoza.
Ang mga makina, ayon kay Mendoza, ay kinabibilangan ng dalawang robotic at siyam na semi-manual na may kakayahang gumawa ng humigit-kumulang 42,000 plaka kada araw.
“Aabutin ng mahigit dalawang taon para matapos ang buong 13 milyong backlog ngunit habang ginagawa natin iyon, matutustusan natin ang kasalukuyang paggamit ng mga plato sa Oktubre ngayong taon. Ang layunin ay mailabas ang plaka ng lahat ng bagong binili na mga motorsiklo para hindi sila maisama sa backlog,” ani Mendoza.
“Naglalaan din kami ng ilang mga makina upang masakop ang backlog,” dagdag niya.
Tinanong ni Mendoza ang mga may-ari ng mga sasakyang de-motor na apektado ng atraso dahil ipinangako niya na ang pagtugon sa isyu ang pangunahing prayoridad ng LTO.
“Naabutan na natin ang problemang yan at tinitiyak po natin sa ating mga kababayan na lulutasin natin ito sa lalong madaling panahon. Ito ang aming pangunahing prayoridad at nakipag-coordinate kami kay Secretary Bautista sa usaping ito,” ani Mendoza.
Samantala bukod sa paggawa ng mga plaka para matugunan ang atraso, ipinangako rin ni Mendoza na ipamamahagi ang lahat ng hindi na-claim na plaka bago matapos ang taon. Santi Celario