Home NATIONWIDE Paggawad ng piyansa sa mga suspek sa missing sabungero case iaapela ng...

Paggawad ng piyansa sa mga suspek sa missing sabungero case iaapela ng DOJ sa CA

MANILA, Philippines- Posibleng iakyat na ng Department of Justice (DOJ) sa Court of Appeals (CA) ang usapin ng pagkaloob ng piyansa ng mababang korte sa mga akusado sa kaso ng anim na nawawalang sabungero.

Ito ang inihayag ni Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon matapos ibasura ng Manila RTC ang apela ng DOJ na huwag pagkalooban ng piyansa ang mga akusado.

Sinabi ni Fadullon na pinag-aaralan na ng kagawarang magsampa sa CA ng petition for certiorari na kumukwestyon sa naging desisyon ng Manila RTC.

Binigyan-diin ni Fadullon na hindi titigil ang DOJ sa pag-usig sa kaso. Gagawin aniya ng kagawaran ang lahat ng maaring gawin para ilahad sa korte kung ano ang nangyari sa mga biktima.

Magugunita na ibinasura ng Manila RTC ang mosyon ng DOJ dahil sa kawalan ng merito.

Sa pitong pahinang desisyon, sinabi ng korte na walang naiprisentang bagong argumento ang DOJ para baligtarin ng korte ang desisyon nito na palayain ang mga akusado sa pamamagitan ng piyansa.

Kabilang sa mga akusado sina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion at Roberto Matillano, Jr.

Ang mga nabangit ay nahaharap sa anim na bilang ng kasong kidnapping at serious illegal detention kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero sa Manila Arena noong January 2022. Teresa Tavares

Previous articleCoverage rates ng ilang benefit packages ng PhilHealth dinagdagan ng 30%
Next articleMariel, na-bash sa gluta drip pic; Robin, pinagre-resign!