MANILA, Philippines- Patuloy ang search and rescue operations para sa apat na Philippine Coast Guard (PCG) personnel na nawala sa isang operasyon sa Cagayan River noong Miyerkules, ayon sa Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMO) nitong Linggo.
Sa panayam, sinabi ni Cagayan PDRRMO head Ruelie Rapsing ang sasagipin sana ng PCG personnel na mga pasahero ng tugboat ay natagpuang buhay sa Camiguin Island.
Subalit, nawawala pa rin ang apat na PCG rescuers matapos tumaob ang sinasakyang aluminum boat sa Aparri, Cagayan dakong alas-4 ng hapon noong July 26, dahil sa malakas na alon at ulan sa kasagsagan ni Bagyong Egay.
“Nakita ‘yung mga nasa tugboat na nawawala doon sa may Camiguin… ‘Yun ang balak sana i-rescue ng mga tauhan ng PCG. Sila ay napadpad sa Camiguin,” pahayag ni Rapsing.
“Ang hinahanap ng search and rescue team ay itong apat na tauhan natin PCG ang hahanapin natin,” dagdag niya.
Sinabi ng Cagayan PDRRMO head na sanib-pwersa ang ilang search and rescue teams, kasama ang PCG, para hanapin ang nawawalang rescuers.
Sinabi ni PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo nitong Huwebes na dalawang team ang ipinadala para mag-rescue, subalit isang team lamang ang nakabalik. Huling nakita ang nawawalang personnel na kumakapit sa aluminum boat. RNT/SA