MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang mabilis na paghahatid ng 55,000 family food packs (FFPs) sa iba’t ibang warehouse sa Western Visayas na sinalanta ng matinding pagbaha sa malalakas na pag-ulan dulot ng habagat.
Partikular na inatasan ni Gatchalian si Disaster Response and Management Group (DRMG) head Assistant Secretary Marlon Alagao na tapusin na agad ang paghahatid ng mga food pack sa mga probinsya ng Antique, Iloilo, Capiz at Negros Occidental.
Nauna nang iniulat ni Alagao kay Gatchalian na ipinadala ang 11,700 FFPs nitong Martes sa Field Office-6 (FO-6) at darating sa rehiyon ngayong araw, Agosto 30.
Sa kabila nito, ipinag-utos ni Gatchalian ang agarang pagpapadala ng karagdagang food packs sa Region 6.
“Due to the urgency of the situation, Secretary Gatchalian committed to deliver the relief items by August 31. He also wanted to be regularly updated on this,” pahayag ni Assistant Secretary for Strategic Communications at concurrent DSWD spokesperson Romel Lopez nitong Miyerkules.
Batay sa plano ng DSWD FO-6, 15,000 FFPs ang ihahatid sa regional warehouse ng DSWD sa Barangay Mambog sa Oton, Iloilo; 11,500 FFPs sa Bago City, Negros Occidental; 10,000 FFPs sa regional warehouse sa Barangay Singcang sa Bacolod City, Negros Occidental; 6,500 FFPs sa San Jose, Antique; at 3,000 FFPs sa Barbaza, Antique.
Samantala, makatatanggap naman ng tig-P1,500 kahon ng FFPs ang mga munisipalidad ng San Enrique, Himamaylan City, Valladolid sa Negros Occidental; Carles at Pototan sa Iloilo; at Cuartero, Capiz.
Iniulat naman ni FO-6 regional director Carmelo Nochete na nakahanda na ang regional warehouses sa Bacolod City at Oton, Iloilo sa pagtanggap ng FFPs mula sa Visayas Disaster Resource Center (VDRC) s Cebu City.
Ang mga food packs na ito ay ihahatid sa iba’t ibang local government units (LGUs) sa Western Visayas na lubhang naapektuhan ng matinding pagbaha.
Nilikha ang mga field office ng DSWD para mabilis na matugunan ang pangangailangan ng mga residente sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. RNT/JGC