Home METRO Pagharang sa ₱200 legislated wage increase, mariing kinondena ng mga manggagawa

Pagharang sa ₱200 legislated wage increase, mariing kinondena ng mga manggagawa

MANILA, Philippines — Mariing kinondena ng iba’t ibang militanteng grupo, kabilang ang Kilusang Mayo Uno (KMU), ang umano’y pagharang sa ₱200 legislated wage increase para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa gitna ng pagdiriwang ng ika-127 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12.

Sa isinagawang kilos-protesta, binigyang-diin ng KMU na ang naturang panukala ay dapat sana’y nagsilbing kauna-unahang legislated wage increase sa loob ng 36 na taong pakikibaka ng mga manggagawa para sa makatarungang sahod.

Ayon sa grupo, ang pagharang sa naipasa nang panukala sa Kamara ay isang malaking kabiguan at pagkakait sa mga manggagawang Pilipino ng karapat-dapat na dagdag-sahod sa gitna ng matinding epekto ng inflation at araw-araw na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Ang ₱200 na dagdag sahod sana ang magsisilbing kaunting kapahingahan para sa mga manggagawang patuloy na pinapasan ang bigat ng krisis sa ekonomiya. Ngunit muli na namang pinakinggan ng mga nasa kapangyarihan ang interes ng kapitalista imbes na ang sigaw ng mga manggagawa,” pahayag ng KMU.

Patuloy ang panawagan ng mga grupo para sa agarang pagpasa at implementasyon ng legislated wage hike, at hinihimok nila ang Senado na itaguyod ang panukala bilang hakbang patungo sa pagkakapantay-pantay at dignidad sa paggawa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)