Home NATIONWIDE Pagiging lider ng oposisyon, itinanggi ni VP Sara

Pagiging lider ng oposisyon, itinanggi ni VP Sara

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ni Vice President Sara Duterte ang mga pahayag na pamumunuan nito ang oposisyon matapos na magbitiw siya mula sa gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Sa trabaho ko at sa pagkatao ko at sa prinsipyo ko hindi ako gumalaw for the administration, for the opposition or ano man ang politka na ‘yan. Ang galaw ko ay base sa kung ano ang makakatulong sa ating mga kababayan,” ani Duterte.

Matatandaan na nagbitiw sa pwesto bilang kalihim ng Department of Education at vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) si Duterte noong Hunyo kasunod ng umano’y tension sa pagitan ng pamilya Marcos at Duterte.

Hindi naman nagrekomenda ang Bise Presidente ng susunod na DepEd secretary sa Pangulo sa pagsasabing ang pagpili ay dapat na ibatay sa “trust and confidence.”

“Dapat talaga ‘yan pinili ng pangulo dahil dapat ‘yan pinagkakatiwalaan ng pangulo,” ani Duterte.

Sa nalalabing mga araw bilang DepEd secretary, sinabi nito na lalahok siya sa lahat ng national events na gaganapin sa Cebu ngayong Hulyo.

Kasama rito ang Palarong Pambansa, National Learners’ Convergence, National Learning Camp, National Festival of Talents, National Schools Press Conference at Brigada Eskwela.

Naihanda na rin umano niya ang lahat ng mga dokumento para sa turnover ng mga responsibilidad para sa susunod na DepEd chief. RNT/JGC