MANILA, Philippines- Itinanggi ng Department of Transportation (DOTr) nitong Huwebes ang pahayag ng MANIBELA, na planong magsagawa ng tatlong araw na transport strike sa susunod na linggo, na ilang tradisyunal na jeepney driver at operator ang inaalisan ng mga ruta pabor sa mga korporasyon.
Sinabi ng DOTr na itinatanggi nito ang akusasyon ni Mar Valbuena ng MANIBELA na nabigo ang ahensya na tugunan ang iba’t ibang alalahanin ng public utility vehicle o PUV drivers at operators.
Noong Miyerkules, inanunsyo ni Valbuena na ang transport strike at itinakda sa July 24 hanggang 26 kasabay ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Valbuena, isasagawa ang transport strike upang makuha ang atensyon ng gobyerno upang resolbahin ang mga isyu sa tradisyunal na jeepney na aniya ay pinagkaitan ng mga ruta ng mga lokal na pamahalaan at mga korporasyon sa ilalim ng plano ng rasyonalisasyon ng ruta ng gobyerno.
Iginiit din ng grupo na ang mga ruta ay nakahanda para sa bidding ng hanggang P5 milyon sa National Capital Region at Southern Tagalog, Western Visayas at Ilocos regions.
Hinamon naman ng DOTr ang MANIBELA upang patunayan ang kanilang alegasyon na may patunay at ebidensya.
Sinabi ng DOTr kasama ang LTFRB at Office of Transportation Cooperatives (OTC) na sa nakalipas na maraming linggo ay nakikibahagi sila sa mga konsultasyon sa mga PUV driver at operator tungkol sa kanilang mga alalahanin tulad ng Local Public Transport Route Plan (LPTRP).
“The LTFRB has always been fair in implementing its mandate based on the Omnibus Franchising Guidelines (OFG) either to corporations or cooperatives,” anang DOTr.
Sinabi rin ng DOTr na bukas at handang makipagdayalogo sa sinumang grupo na may mga lehitimong alalahanin upang tugunan ang mga ito sa pamamagitan ng mga konsultasyon at forum. Jocelyn Tabangcura-Domenden