Home NATIONWIDE Pagkakaloob ng proteksyon ng SC sa kina Castro, Tamano ‘temporary setback’ –...

Pagkakaloob ng proteksyon ng SC sa kina Castro, Tamano ‘temporary setback’ – NTF-ELCAC

MANILA, Philippines- Inilarawan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) bilang isang temporary setback ang naging desisyon ng Korte Suprema na pagkalooban ng proteksyon ang mga aktibistang sina Jonila Castro at Jhed Tamano.

Gayunman, sinabi ng NTF-ELCAC na ang naging desisyon ng Korte Suprema ay oportunidad din sa pamahalaan para hamunin ang sinasabing “deceptive narratives” at kasinungalingan na ginawa ng mga nasabing aktibista.

“The granting of Writs of Amparo and Habeas Data alongside a temporary protection order by the SC for Jonila Castro and Jhed Tamano is a temporary setback that presents a great opportunity for government to further debunk their deceptive narratives and expose their lies in open court,” ang pahayag ng NTF-ELCAC sa isang kalatas.

Tinukoy pa ng NTF-ELCAC na hindi pa tapos ang kaso dahil dinala ng Korte Suprema ang pagdinig sa Court of Appeals (CA).

Tiniyak naman ng Task Force na susunod ito sa lahat ng legal obligations matapos ang desisyon ng Korte Suprema.

Sa pamamagitan ng Writs of Amparo at Habeas Data, pinagkalooban ng Korte Suprema ng proteksyon sina Castro at Jhed Tamano, sinasabing sila ay dinukot ng pwersa ng gobyerno.

Pinagbigyan ng SC en banc ang petisyon na inihain ng dalawa laban sa mga sumusunod na indibidwal at organisasyon: Lieutenant Colonel Ronnel Dela Cruz at mga miyembro ng 70th Infantry Battalion ng Philippine Army; Police Captain Carlito Buco at mga miyembro ng Philippine National Police Bataan; National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya ng NTF-ELCAC at iba pang nasa ilalim nito.

Inatasan naman ng Korte Suprema ang respondents na sumunod sa mga alituntunin sa ilalim ng Section 9 ng Rule ukol sa Writ of Amparo at Section 10 ng Rule on the Writ of Habeas Data.

Pinagbawalan naman ang respondents na pumasok sa loob ng radius ng isang kilometro mula sa mga tao, bahay, eskwelahan, trabaho o kasalukuyang lokasyon ng mga aktibisa at kanilang immediate families.

Matatandaang napaulat na pinanindigan ni Philippine Army 7th Infantry (Kaugnay) Division na kusang sumuko at hindi dinukot ang dalawang aktibista na sina Jonila Castro at Jhed Tamano.

Sa inilabas na pahayag, ang dalawang aktibista ay sumuko sa 70th Infantry (Matatag at Matapat) Battalion, sa Bulacan noong Setyembre 12.

Unang napaulat na nawawala ang dalawa sa Orion, Bataan noong Setyembre 2.

Pagpupunto ng Philippine Army, inamin ni Tamano na miyembro siya ng Kabataang Makabayan, na sinasabing organisasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas. Kris Jose

Previous articleGuro, nasamsaman ng bala, baril
Next articlePagdedeklarang ilegal sa joint oil exploration ng gobyerno pinagtibay ng SC