MANILA, Philippines- Bukod sa paghahalal ng kanilang bagong barangay at Sangguniang Kabataan leaders, pagbobotohan din ng mga residente ng Bulacan ang pagtatalaga sa San Jose del Monte (SJDM) mula sa component city sa highly urbanized city ngayong Lunes.
Alinsunod ito sa Proclamation 1057 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong December 2020. Sinabi nito na “proclamation shall take effect only upon ratification in a plebiscite by the qualified voters therein.”
Nagsagawa ng parehong botohan noong March 2021 sa Palawan na nagresulta sa pagbasura ng mga residente sa paghahati sa probinsya sa tatlo.
Batay sa Local Government Code of 1991, ang highly urbanized city ay dapat mayroong minimum population na 200,000 at annual income na hindi bababa sa ₱50 milyon.
Pumalo ang populasyon ng SJDM noong 2020 sa 649,918. Binanggit din ng city government ang tala nito na nagsasabing umabot ang kita ng SJDM noong 2022 sa ₱684.97 milyon.
Mahigit dalawang milyong botante sa probinsya ang inaasahang magdedesisyon upang opisyal na itatag ang SJDM bilang independent city.
May kabuuang 23 alkalde ng Bulacan ang naghayag ng suporta para sa transisyon ng siyudad.
“Walang kinalaman ang pagtaas ng bilihin kapag naging highly urbanized city ang lungsod. Ang pagtaas ng presyo ng bilihin ay batay sa law of supply and demand,” pagtitiyak ng city government sa mga residente.
Sakaling makamit ang highly urbanized city status, sinabi ng city government na mapahuhusay ang employment generation, economic activities, at government services. Mapaiigting din nito ang urban planning measures para sa konstruksyon ng mga imprastraktura tulad ng libraries, mga paaralan, silid-aralan, waiting sheds, sidewalks, mga tulay at kalsada. RNT/SA