Home METRO ‘Pagkakasangkot’ ng anak sa bus shooting sa N. Ecija tinatalupan ng PNP

‘Pagkakasangkot’ ng anak sa bus shooting sa N. Ecija tinatalupan ng PNP

MANILA, Philippines- Posibleng may motibo ang anak ng babae na binaril kasama ng kanyang live-in partner sa bus sa Nueva Ecija na ipapatay ang dalawa, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, naghain ang babae ng carjacking complaints laban sa kanyang anak, na itinanggi ang anumang pagkakasangkot sa bus shooting, ayon sa PNP. 

“Bago nga nangyari itong insidente na ito ay merong alitan itong biktima sa kanyang anak na kinasuhan niya ito at in fact naka-blotter ito at on bail lamang itong kanyang anak,” pahayag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo.

“Isa po ito sa tinitingnan po natin na posible na maaaring may motibo po,” dagdag ni Fajardo.

Nitong Miyerkules, anim na beses na pinagbabaril ang 60-anyos na babae at kanyang 55-anyos na kinakasama ng dalawang hindi natukoy na kalalakihan sakay ng isang bus sa Barangay Minuli sa bayan ng Carranglan.

Ani Fajardo, sumakay ang mga biktima sa bus sa isang terminal sa Cauayan, Isabela, habang sumakay ang mga suspek sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Nahagip ang insidente sa dash cam at ini-upload sa social media.

Ani Fajardo, nakatanggap umano ang babaeng biktima ng death threat bago ang krimen.

“On the part of the Nueva Ecija police ay nakausap na rin nila yung kapatid mismo ng biktima at may nakuha silang information na sinasabi na allegedly na may nasabi ang biktima na may possible threat against her life,” ani Fajardo.

Paglalahad ni Fajardo, pinag-aaralan ng PNP ang CCTVs para matukoy ang gunmen.

Plano rin umano ng PNP na muling magtalaga ng bus marshals kasunod ng insidente.

Sinisilip ng mga imbestigador ang posibleng lapses ng bus company dahil epektibo pa ang gun ban hanggang November 29, ayon kay Fajardo. 

Magsasagawa umano ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng hiwalay na imbestigasyon sa karumal-dumal na pagpatay,

“For the part of LTFRB, we are conducting also our own separate investigation, hiwalay po sa imbestigasyon po ng PNP,” pahayag ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz. RNT/SA

Previous articleDNA results mula sa abandonadong kotse sa Catherine Camilon case, hinihintay ng PNP
Next articlePinas bahagi pa rin ng Belt and Road ng Tsina – DFA