Home HOME BANNER STORY Pagkakasibak sa Kamara iaapela ng kampo ni Teves sa SC

Pagkakasibak sa Kamara iaapela ng kampo ni Teves sa SC

MANILA, Philippines- Inihayag ng kampo ng pinatalsik na si Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. nitong Huwebes na iaakyat nito ang pagsibak sa solon sa Supreme Court, batay umano sa mga iregularidad sa proceedings ng House of Representatives panel na nag-imbestiga sa kanya.

Sinabi ng abogado ni Teves na si Ferdinand Topacio na pinag-aaralan pa nila ang maaaring remedyo kasunod ng desisyon ng Kamara na tanggalin ang kanyang kliyente mula sa kapulungan.

“We’re going to the Supreme Court, definitely po. Pinag-aaralan lang po namin na kung anong korte po sapagkat unprecedented po ito. This is the first time under the Constitution ay may na-expel na kaanib o miyembro ng mababang kapulungan,” pahayag niya sa isang panayam.

Inihayag pa ni Topacio na ikinalungkot ng mambabatas ang “disenfranchisement” ng kanyang constituents sa ikatlong distrito ng Negros Oriental, na mawawalan ng kinatawan sa Kamara.

“Nalulungkot siya sapagkat mawawalan po ng kinatawan iyong distrito niya sa Negros Oriental, iyon talagang inihalal ng mga botante niya na kumatawan sa kanila sa mababang kapulungan. Iyon po ang mabigat diyan,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, si House Speaker Martin Romualdez ang nagsisilbing caretaker ng distrito ni Teves.

Samantala, pormal na ipinagbigay-alam ng Kamara nitong Huwebes kay Teves ang kanyang expulsion, matapos 265 sa kanyang mga kasamahan ang sumang-ayon na alisin siya sa opisina dahil sa “abandonment of public office” at “indecent behavior” sa social media.

Nahaharap si Teves sa murder charges sa umano’y pagkakasangkot sa mga pagpatay sa Negros Oriental, kabilang ang March 4 assassination kay dating governor Roel Degamo.

Nitong Agosto, tinukoy din siya bilang terorista ng  Anti-Terrorism Council sa umano’y paghawak sa “Teves Terrorist Group” sa Negros Oriental. RNT/SA

Previous articleCagayan gov pinadiditene ng Kamara sa ‘di pagsipot sa hearing
Next articleDefense chief ‘di kontento sa nirebisang MUP pension reform bill