Home OPINION PAGKAKASUNDO NG KUWAIT-PINAS ‘DI IMPOSIBLE

PAGKAKASUNDO NG KUWAIT-PINAS ‘DI IMPOSIBLE

HINDI dapat panghinayangan ang Kuwait bilang bansa na puntahan ng mga Pinoy na manggagawa.

Pero hindi rin dapat magpadalos-dalos ang pamahalaan o sinoman at gagawa ng hindi magandang pagtrato sa Kuwait lalo’t hindi madaling lutasin ang maramihang pagpapauwi ng Kuwait sa daan-daang libong OFW roon.

Sinasabi natin ito kaugnay ng pag-deport o pagpapalayas ng Kuwait sa mga Pinoy na paso na ang mga work visa at hindi na pupwedeng magpanibago ng empleyo.

Kasama na rin sa pinade-deport ang mga nagsampa ng kaso laban sa kanilang mga employer na may paglabag umano sa kanilang mga karapatan.

Maaaring madamay na rin maging ang mga distressed OFW na nasa mga shelter house na nagkaroon ng sari-saring problema gaya ng illegal recruitment at tumakas sa kanilang mga amo.

Daan-daan o libo-libo ang naaapektuhan at maaapektuhan pa ng hindi pagkakasundo ng Kuwait at Pilipinas na nagmula sa pagbuntis at pagpatay ng isang Kuwaiti kay Juleebee Ranara saka itinapon ang bangkay nito sa disyerto nitong Enero 2023

Katunayan, nasa 600 OFW na mula sa Kuwait ang dumating sa bansa.

Ayon sa Department of Migrant Workers, may 268,000 OFW sa Kuwait at nasa 195,000 o 88 porsyento rito ang kasambahay.

NAGSISISIHAN

Pareho ngayon ang pamahalaang Kuwait at Pilipinas sa pagsasabi sa isa’t isa na lumabag sa mga kasunduang pang-obrero.

Nagbunga ito ng pagharang na ng Kuwait sa sinomang obrerong Pinoy na gustong pumasok rito habang pinatigil din ng Pilipinas ang pagpapadala ng obrero roon.

Ito’y hangga’t walang linaw sa usapang pang-obrero, lalo na ang pagbibigay sa mga Pinoy ng tamang pagtrato ng mga Kuwaiti employer at iba pang mga employer sa nasabing bansa.

Siyempre pa, naiintindihan natin ang parte ng Kuwait na tila nasisira ang imahe ng kanilang bansa sa daigdig dahil sa kaso ni Ranara na huling pagpatay ngunit dapat din nating intindihin ang interes ng Pilipinas na protektahan ang mga Pinoy roon.

Lalo na sa mga kasong umaabot na sa paglapastangan sa dangal at buhay ng mga Pinoy.

LAMIG NG ULO PAIRALIN

Ang maganda naman sa pamahalaan ngayon, mismong si Pangulong Bongbong Marcos ang nagbibigay-pag-asa na isang araw, maaayos at maaayos din ang relasyon ng Pinas at Kuwait.

Sumasang-ayon tayo rito.

Nasa pag-uusap ‘yan ng dalawang bansa lalo na kung iisipin na hindi lang naman sa empleyo ng mga Pinoy sa Kuwait ang nag-uugnay ng dalawang bansa.

Isa pa, kumikilos din naman ang Kuwait na panagutin ang mga gumagawa ng krimen laban sa mga Pinoy gaya ng pagsentensya sa kamatayan sa killer at rapist ni Jeanelyn Padernal Villavende at paglalagay sa kanya sa freezer noong 2019.

Inaresto naman ng Kuwait ang bumiktima kay Ranara.

Matinding gusot ang nilikha ng krimen kay Villavende sa pagitan ng dalawang bansa noong panahon ni ex-President Digong Duterte at muling naulit ito sa panahon naman ni Pang. Bongbong sa kaso ni Ranara.

Previous articleDOJ: Preliminary investigation sa mga kaso ni Teves, kasado sa June 13
Next articleP201M pekeng footwear, nasamsam ng CIDG

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here