MANILA, Philippines- Tinutulan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Lunes ang panawagang alisin na ang EDSA bus carousel.
Iginiit ni MMDA chairperson Romando Artes na malaki na ang nagastos ng gobyerno para sa EDSA bus carousel at napakaepektibo umano ng kasalukuyang sistema sa pagpapabilis ng biyahe ng commuters.
“Unang-una, hindi po kami nag-aagree. Pangalawa, malaki na po ang nagastos ng pamahalaan para ma-develop iyong busway. Pangatlo, napaka-effective ng bus carousel. From three hours na biyahe end to end Caloocan to MOA and MOA to Caloocan, ngayon isang oras at kalahati,” aniya sa isang press conference.
Noong Hulyo, umapela ang operators ng mga bus sa Metro Manila na payagan silang bumalik sa mga rutang binabaybay nila bago pa magkaroon ng COVID-19 pandemic.
“Before nabigay sa amin ‘yung mga GCQ [general community quarantine] routes, lahat kami we already started with refleeting dahil sa transport modernization program ..In-acquire namin ‘yung mga buses na ‘yun. Malalaki ‘yung loans na ‘yun tapos naiba ‘yung routes,” ani Sheila Albero, presidente ng Mega Manila Consortium.
Noong March 2020, isinara ng gobyerno ang public transport system upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Sa pagluwag ng lockdown sa paglipas ng mga buwan, itinalaga ang ilang bus sa iba’t ibang ruta, kabilang sa avenues na nagresulta sa kompetensya sa mga ito at sa jeepneys.
Pinagbawalan din ang city at provincial buses na bumiyahe sa EDSA. Bilang kapalit, sinimulan ng pamahalaan ang bus carousel sa kahabaan ng EDSA na matatandaang nagpaandar ng libreng sakay para sa publiko.
Umaasa ang operators na makababalik sila sa dati nilang ruta, kabilang ang EDSA.
Mula sa mahigit 3,000 city buses na bumibuyahe sa kahabaan ng EDSA, mahigit 500 na lamang ang natitira sa ilalim ng bus carousel service. RNT/SA