MANILA, Philippines- Tatalupan na rin ng Senado ang palpak na operasyon ng Navotas City Police ma mitsa ng pagkakabaril at pagkakapatay sa 17-anyos na si Jemboy Baltazar.
Sinabi ni Sen. Raffy Tulfo na magpapatawag siya ng Senate inquiry upang matukoy ang puno’t dulo ng kaso ng mistaken identity.
“Magpapatawag po ako ng Senate investigation in aid of legislation para malaman ‘yung katotohanan kasi nga po, itong mga pulis, walang gustong umamin,” pahayag niya.
“Maganda naman ang development dahil sabi ng chief of police sa ginawang forensic doon sa mga baril, apat na baril daw pinaputok: dalawang 9mm, dalawang armalite. It’s just a matter of time na malalaman natin, i-cross match kung kaninong baril iyon, ‘yung pinaputok,” sabi ng senador.
“Palulutangan ko kung sino ang talagang may kagagawan, sino ang mga nagpaputok ng baril kasi anim sila, lumilitaw so far ngayon parang apat ang nagpaputok,” patuloy niya.
Gayundin, tatalakayin sa pagdinig ang tamang mga pagsasanay bago maging ganap na pulis, base sa mambabatas.
“Dapat marunong sila magobserve ng tinatawag na rules of engagement. Marami sa ating mga pulis, kapag nakakita ng suspek, kahit na sumurrender na, kahit na tumatakbo, pinagbabaril o nagwa-warning shot, which is bawal,” wika ni Tulfo.
Iginiit pa niya na dapat managot ang buong unit na Navotas Police sa palpak na operasyon. Sinang-ayunan din niya ang pagtanggal sa pwesto kay Navotas City Police Chief Col. Allan Umipig.
“Kung iyan ay para mapakita sating lahat na patas ang ginagawang pag-iimbestiga ng kapulisan, so be it. Although kausap ko lang si chief of police, he’s been very cooperative with us, tinatawagan namin siya para kumuha ng impormasyon. Pero kung iyon ang desisyon ng hierarchy, kataas-taasan ng PNP, hindi ako mag-oobject,” paliwanag ni Tulfo.
Sinabi naman ni Umipig na handa siyang humarap sa isasagawang pagdinig sa Senado. RNT/SA