MANILA, Philippines – Mariing kinondena ni Senador Christopher “Bong” Go ang muling pag-atake ng Chinese Coast Guard sa pamamagitan ng water cannon sa isang bangka ng Pilipinas na naghahatid ng mga supply sa tropang Pilipino na nakatalaga sa isang outpost sa Ayungin Shoal noong Biyernes, Nobyembre 10.
“As vice chairman of the committee on national defense, hindi lang po nakakabahala kundi atin po itong kinokondena.”
“Ang walang-paggalang na pag-uugaling ito sa ating teritoryo ay hindi lamang tahasang pagsasawalang-bahala sa mga internasyonal na batas maritime kundi isang direktang hamon din sa karapatan sa soberanya ng ating bansa,” ayon kay Go.
Ibinunyag ng National Task Force-West Philippine Sea (NTF-WPS) na hinarang at hinarass ng Chinese Coast Guard at Maritime Militia ang mga resupply ship ng Pilipinas na patungo sa BRP Sierra Madre outpost sa Ayungin Shoal.
Gumamit ang CCG ng mga mapanganib na taktika, kabilang ang water cannon sa M/L Kalayaan supply vessel at panggigipit sa iba pang bangka gamit ang rigid-hulled inflatable boat.
Sa kabila ng mga probokasyong ito, natapos ng mga sasakyang pandagat ng Pilipinas ang kanilang misyon.
Nagprotesta na sa Chinese Foreign Ministry ang embahada ng Pilipinas sa Beijing, maging ang Department of Foreign Affairs at hiniling ang pag-aalis ng mga sasakyang pandagat ng China sa Ayungin Shoal na bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Sinabi ng tagapagsalita ng Chinese Coast Guard na si Gan Yu na sinundan nila ang mga barko ng Pilipinas alinsunod sa batas, nagsagawa ng mga kinakailangang control measures, at gumawa ng pansamantalang espesyal na kaayusan para sa panig ng Pilipinas na maghatid ng pagkain at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.
Gayunpaman, kinuwestiyon ni Go ang magulong pahayag ng China sa pagsasabing, “how can they speak of the rule of law while simultaneously violating international norms and the sovereign rights of other nations by putting Filipinos’ lives at risk with their bullying tactics.”
Hindi tumitigil sa pagkondena si Go sa agresibong aksyon ng Chinese Coast Guard vessel sa West Philippine Sea, una ay sa pagkakabangga nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP)-contracted resupply boat, ang Unaiza May 2, noong Oktubre 22.
Dati na rin niyang tinuligsa ang China nang una itong gumamit ng water cannon laban sa isang bangkang Pilipino na maghahatid lang ng mga suplay sa BRP Sierra Madre at sa isa pang insidente na paggamit ng military-grade laser laban sa isang barko ng Philippine Coast Guard.
Kaya upang mapabuti ang maritime capabilities ng bansa, inihain ni Go ang Senate Bill No. 2112, o ang Philippine Coast Guard (PCG) Modernization Bill na naglalayong i-upgrade ang mga kagamitan at resources ng PCG.
Kung maisasabatas, inaasahang mapapahusay din ng PCG ang pagtugon nito sa insidente ng emergency sa dagat. RNT