Home NATIONWIDE Paglabag sa pagpapatupad ng search warrant tinalupan ng Kamara

Paglabag sa pagpapatupad ng search warrant tinalupan ng Kamara

MANILA, Philippines- Sinimulan na ng House Committee on Public Order and Safety ang umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng search warrant sa mga armas laban sa apat na naarestong Chinese nationals na pawang mga kababaihan.

Ito ay bilang tugon ng Kamara sa House Resolution 1471 na inihain ni Antipolo City Rep. Romeo Acop kaugnay ng napaulat na iregularidad sa proseso na isinagawa ng mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP) District Special Operation Unit – Southern Police District (DSOU-SPD) noong Setyembre 16, 2023 sa SoleMare Park Suites Tower sa Lungsod ng Parañaque.

Sa pagdinig ng Committee on Public Order and Safety na pinamumunuan ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez ay naungkat ang naunang pahayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na isang impormal na imbestigasyon ang idinaos ng PNP kung saan nakadiskubre umano ng ilang mga paglabag.

Kabilang saiumano’y paglabag ay ang pagtatanim ng ebidensya, pangingikil, pagsisinungaling, pamemeke ng mga pampublikong dokumento, pag-abuso sa search warrant, paglabag sa tirahan, paglabag sa hustisya, at paglabag sa mga direktiba at mga polisiya sa mga proseso ng operasyon ng pulisya.

Ani Nartatez, lumalabas sa paunang imbestigasyon na hindi umano ipinatupad ang pangangailan sa pagsusuot ng body cameras (BWCs) at digital video recorders (DVR) sa panahon ng operasyon at umano’y pagtatanim ng dalawang M-16 magazines.

Nadiskubre rin aniya na kinatok at pinasok ng mga operatiba ang iba pang mga tirahan na hindi nakasaad sa search warrant, at ang Chinese nationals ay tinakot umano para lumagda sa pekeng complaint-affidavit na nagsasabing sila umano ay mga biktima ng trafficking.

Lumabas din sa pagsisiyasat ng NCRPO ang late report ng pagkawala ng tinatayang P27 milyong cash sa isinagawang operasyon.

Sinabi ni Acop na mayroon siyang impormasyon na nagsasaad na ang kabuuang halaga ay mas malaki pa kaysa sa iniulat.

“If my story is right, dito nakita nung driver na nag-withdraw ng pera. So alam niya na maraming pera ‘yong kanyang boss at ‘yon ang tinip sa inyo. Gumawa kayo ng paraan na paano niyo mare-raid ‘yong lugar. Illegal possession of firearms lang ang pupwede,” ani Acop.

Ayon kay Fernandez, ang salaping nakolekta batay sa ebidensya na iprinisenta ay malinaw na mahigit sa P27 milyon.

“We’re not saying that ‘yong mga Chinese is not guilty of any crime. Maaari na meron silang trafficking na ginagawa. But the fact na ginawa niyo, mali ‘yong procedure and you have violated mismong kayong mga pulis, you have violated ‘yung procedure natin, ‘yun ang nakasama sa ating mga kapulisan,” giit pa ni Fernandez.

Sa ngayon ay nasa 45 tauhan ng DSOU-SPD ang kasalukuyang iniimbestigahan sa kaso. Meliza Maluntag

Previous articlePITX magdaragdag ng bagong ruta ngayong 2024
Next articleNueva Vizcaya insurgency-free na