Home NATIONWIDE Paglalabas ng honoraria ng mga guro ‘di maaantala – Comelec

Paglalabas ng honoraria ng mga guro ‘di maaantala – Comelec

281
0

MANILA, Philippines- Makakatanggap ng honoraria sa takdang oras ang mga guro na maglilingkod sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes.

Tiniyak ito ng Comelec kasunod ng paglagda ng memorandum of agreement sa Department of Education (DepEd) at Public Attorney’s Office (PAO) para matiyak ang proteksyon ng mga guro.

Sa press conference, sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia ito ay bilang tugon sa kahilingan ni Vice President and Education Secretary Sara Duterte na ang mga guro na naglilingkod sa halalan ay makakakuha ng kanilang mga napapanahong allowance.

Sa ilalim ng batas, sinabi ni Garcia na dapat matanggap ng mga guro ang kanilang honoraria sa loob ng 15 araw pagkatapos magsagawa ng botohan.

Batay sa updated na honoraria, itinaas ng poll body ang kompensasyon mula P6,000 at P5,000 ay magiging P10,000 at P9,000 para sa mga electoral chairperson at board members, ayon sa pagkakasunod.

“Doon sa mga areas na may early voting hours, binigyan namin ng dagdag na P2,000 across the board ‘yung lahat na maglilingkod na mga guro,” sabi ni Garcia.

Bukod sa mas mataas na honoraria, tiniyak din ni Garcia ang ‘availability’ ng P500,000 death benefits at P200,000 cash assistance para sa bawat guro sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari.

Ayon kay Garcia, naglaan ng P35 milyon para sa trust fund para anumang oras ay pwedeng magamit para sa kapakanan ng atin mga guro.

Samantala, binanggit ni Duterte ang gastos na binabalikat ng paaralan sa halalan.

Sinabi ng poll chief na ang naturang alalahanin ay babanggitin sa Department of Budget ang Management.

“All along, akala ko libre ‘yung pagbabayad natin sa kuryente at tubig.”

“To a certain extent, that is really so unfair. And we have to do something. We in the Comelec will do something about it,” pahayag ni Garcia.

Ang mga alalahaning ito aniya ay isasama sa pag-amyenda sa rebisyon ng Omnibus Election Code upang matiyak ang paglalaan para sa mga naturang item sa mga susunod na botohan.

Isinama rin ng Comelec ang pagbibigay ng legal na tulong sa mga gurong nahaharap sa election offenses o administrative charges, sa tulong ng PAO.

Sa ilalim ng MOA, ang mga guro na maglilingkod bilang election board members ay magkakaroon ng access sa free legal assistance ng PAO, kasama ang abogado na walang appearance fees.

Tiniyak naman ng Comelec ang pagsasanay sa mga pulis bilang backup electoral board members sakaling isailalim sa mahigpit na safety guidelines ang isang lugar. Sinasanay ng poll body ang nasa 400 pulis, lalo na sa Mindanao, para matiyak ang kaligtasan ng mga guro. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleAndrea, aminadong “pansexual”!
Next article10 Tsino, kasabwat na Pinay nalambat sa human trafficking

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here