MANILA, Philippines- Makatatanggap ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ng P25.16 billion para sa one-year health insurance premiums ng mahigit sa 8 milyong Filipino indigents.
Ito’y matapos na magbigay ng “go signal” si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman na ipalabas ang P25,157,547,000 para sa insurance premiums ng 8,385,849 kuwalipikadong indigents na naka-enroll sa PhilHealth.
Nauna rito, inaprubahan ng Kalihim ang Special Allotment Release Order (SARO).
Sinabi ng DBM na ang inaprubahang pondo ay huhugutin mula sa authorized allotments sa 2023 General Appropriations Act.
Tinuran ni Pangandaman na ang pagpapalabas ng pondo ay bahagi ng pagsisikap ng administrasyong Marcos na magbigay ng “affordable health care” para sa lahat ng mga Filipino.
“President Ferdinand R. Marcos Jr. mandated his Cabinet to ensure that Filipinos are provided with affordable health care,” ayon sa Kalihim.
“Pinamulat sa atin ng pandemya ang kahalagahan ng mas matatag na health care system, kaya’t pinagsisikapan po natin na ilapit ito sa ating mga kababayan, lalong-lalo na po sa mga higit na nangangailangan,” dagdag na wika nito.
May mandato naman ang state insurer na pangasiwaan ang National Health Insurance Program, naglalayong magbigay ng health insurance coverage at tiyakin ang “affordable, acceptable, available, at accessible health care services” para sa lahat ng mga Filipino. Kris Jose