Home NATIONWIDE Paglaya ni Veloso muling ihihirit ni PBBM kay Widodo

Paglaya ni Veloso muling ihihirit ni PBBM kay Widodo

MANILA, Philippines- Muling babanggitin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang “request” ng Pilipinas para kay overseas Filipino worker Mary Jane Veloso sa kanyang pakikipagpulong kay Indonesian President Joko Widodo sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Miyerkules.

“Yes. As I have always done,” ayon sa Pangulo sa pamamagitan ng text message mula kay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil.

Sa ulat, muling nanawagan ang human rights group na gawaran ni Indonesian President Joko Widodo si Mary Jane Veloso, isang Pilipinang nasa death row dahil sa drug charges, kung saan kasabay ng kanyang tatlong araw na pagdalaw sa Pilipinas ang ika-39 kaarawan ng huli sa Miyerkules.

Umapela ang Migrante International nitong Lunes bago ang nakatakdang pagdating ni Widodo sa Manila ngayong Martes ng gabi.

Nanawagan din ang grupo–na nagsusulong ng karapatan ng overseas Filipino workers – kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling iapela ang isyu sa kanyang Indonesian counterpart, at upang makipagkita ang dalawang pinuno sa pamilya at mga taga-suporta ni Veloso bago bumalik si Widodo sa kanyang bansa sa Huwebes.

“Granting Mary Jane clemency and freedom would be a great gift to Filipino migrants and people,” anang grupo. “Mary Jane is a victim of human and drug trafficking. She has been in prison abroad since 2010 and has suffered more than enough.”

Ayon pa sa Migrante International, balak din ng mga magulang ni Mary Jane na sina Celia at Cesar Veloso, na magpadala ng appeal letter kina Marcos at Widodo.

“Mary Jane’s story resonates with the Filipino migrants and people. Bringing her home would make many of us very happy. It would affirm the historical and cultural kinship between the Filipino and Indonesian people,” patuloy ng grupo.

Inihayag ni Marcos noong Mayo 2023 na hiniling niya sa Indonesian government na muling busisiin ang kaso ni Veloso, sa maiksi niyang pakikipagpulong kay Widodo sa Association of Southeast Asian Nations Summit.

Naaresto si Veloso, isang domestic helper mula Nueva Ecija, noong 2010 sa umano’y pagpuslit ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia, na nagkakahalaga ng mahigit ₱28 milyon.

Mariin niyang itinanggi ang mga akusasyon, at sinabing niloko siya ng kanyang recruiter upang maipuslit ang itinagong droga sa kanyang bagahe.

Pinatawan si Veloso ng death penalty noong October 2010 at nakatakda sanang paslangin sa pamamagitan ng firing squad noong April 2015. Subalit, ginawaran siya ng “last-minute stay of execution,” upang maging testigo sa human trafficking case laban sa kanyang recruiter na si Kristina Sergio, at kinakasama ni Sergio na si Julius Lacanilao. Kris Jose

Previous articleIndonesian President Widodo sinalubong ni PBBM sa Malakanyang
Next articlePNP: Kapistahan ng Itim na Nazareno ‘generally peaceful’