Home METRO Paglikha ng 8 bagong bayan inaprubahan ng BARMM

Paglikha ng 8 bagong bayan inaprubahan ng BARMM

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng mga miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) nitong Huwebes, Agosto 17, ang panukalang batas na magtatatag ng walong bagong munisipalidad na binubuo ng 63 na barangay sa North Cotabato province na sumama sa autonomous setup noong 2019.

Ang mga residente mula sa 63 barangay, na tinatawag na Special Geographic Area in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (SGA-BARMM), ay inaasahang makikinabang at magkakaroon ng access sa essential services, apat na taon makaraan silang bumotong sumali sa Bangsamoro region.

Layon ng BTA Bill Nos. 129 hanggang 136, ang pagtatayo ng mga bagong munisipalidad, at nakatanggap ng unanimous support mula sa 80-member BTA parliament, isang provisional lawmaking body sa rehiyon kasabay ng ikatlo at huling pagbasa Huwebes ng gabi.

Ang mga bayan na planong likhain ay pangangalanang Pahamuddin, Kadayangan, Nabalawag, Old Kabakan, Kapalawan, Malidegao, Tugunan, at Ligawasan.

Ayon sa mga opisyal, patunay ang pag-apruba sa mga panukala sa commitment ni BARMM Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim na isaprayoridad ang pangangailangan ng SGA residents.

Nauna nang hinimok ni Ebrahim ang mga mambabatas na padaliin ang pagpasa sa mga mahahalagang BTA measures, kabilang ang paglikha ng mga bagong bayan sa SGA area.

Noong 2019, nasa 63 barangay ang bumoto na isama sila sa BARMM.

Ang mga barangay na ito ay matatagpuan sa mga bayan ng Aleosan, Carmen, Kabacan, Midsayap, Pikit, at Pigcawayan sa North Cotabato. RNT/JGC

Previous articlePublic, private collab sa e-vehicles sector pinuri ni PBBM
Next articleBiktima ng human trafficking pinagamit ng wheelchair para makalusot sa inspeksyon – BI