Manila, Philippines – Isinulong na sa Kamara ang pagkakaroon ng “Anti-Agricultural Smuggling Courts.”
Inihain ni AGAP PL Rep. Nicanor Briones ang House Bill 8170, ang panukalang batas na magbibigay ng “exclusive original jurisdiction” sa mga kasong may kinalaman sa smuggling, hoarding, profiteering, at kartel ng iba’t ibang produktong agrikultural sa bansa.
Sinabi ni Briones na pangunahing layunin ng pagtatayo ng anti-agricultural smuggling courts ay upang maging kapareho ito o “same level” ng Sandiganbayan at Court of Appeals upang tuluyan ng ma-declog at mabawasan ang mga nakabinbing kaso sa ibang korte.
Ayon sa kongresista, kabilang sa probisyon ng panukala ay ang pagkakaroon ng apat na dibisyon na binibuo ng tatlong mahistrado bawat isa para sa National Capital Region (NCR), Bulacan, Cebu at Davao.
Isinulong ni Briones ang panukala kasunod ng “fiasco” at isyu ukol sa hoarding at smuggling ng mga sibuyas, asukal at iba pang produktong agrikultural kung saan nalantad ang mabagal na pagpapanagot sa mga lumalabag sa Anti-Agricultural Smuggling Act.
Advertisement