Home NATIONWIDE Paglilipat ng drug users sa rehab centers para lumuwag sa mga kulungan...

Paglilipat ng drug users sa rehab centers para lumuwag sa mga kulungan isinusulong ng CHR

MANILA, Philippines- Nagpapatuloy ang ginagawang ‘random inspections’ ng Commission on Human Rights sa mga pasilidad ng kulungan upang makita ang sitwasyon ng persons deprived of liberty (PDLs), at maging ng mga jail personnel. 

Sinabi ni Atty. Julie Ann Regalado, officer-in-charge ng CHR Prevention Office, ang jail facilities sa bansa ay patuloy na namumutok o napupuno dahil sa mga PDLs.

“Ang BJMP (Bureau of Jail Management and Penology) naman kahit papano nakakapagbigay ng tamang pagkain, higaan. Pero sa dami pwede ng mga nakakulong doon hindi talaga nila mapo-provide bawat pangangailangan nila,” ayon kay Regalado.

“‘Yun naman ang talagang kundisyon ng ating jail facilities ngayon eh. May kakulangan sa health services, sa doctor sa BJMP sa sobrang dami ng pasilidad na kanilang pinangangalagaan, mangilan-ngilan talaga ang kanilang doctor,” dagdag na wika nito.

Tinukoy ni Regalado ang jail facilities sa National Capital Region bilang halimbawa kung saan may kabuuang kapasidad na 8,000 PDLs.

“The actual situation, however, is that NCR jails are bursting with 24,000 PDLs making them prone to sickness,” ayon kay Regalado.

Patuloy namang bineberipika ng CHR kung mayroon talagang 400 PDLs sa Pasay City Jail, sinasabing mabilis na tinamaan ng tuberculosis na kagyat namang nilinaw ng BJMP.

“Ang data po natin ay18 po, labing-walo ang positive sa tuberculosis. Eto pong 400 na data, it could have been misconstrued. Kasi meron pong 392 na presumptive TB (cases). Ibig sabihin po, yung mga na-screen natin. And out of that 392 nag-conduct tayo ng tinatawag na gene testing para malaman kung confirmed ba talaga ang may TB. At out of 392, 18 po ang nakita na positive sa TB,” ayon kay Jail Chief Inspector Jayrex Bustinera, BJMP spokesperson.

Aniya pa, “Ini-screen po lahat ng PDLs natin, almost 1,200 that time. Kaya po na-found out na may 392 almost 400 na presumptive TB.”

Ang 18 TB-positive PDLs ay nananatili aniya ngayon sa Bicutan Satellite Treatment Center para sa karagdagang paggagamot.

“We assure na safe ang Pasay City Jail at wala pong community transmission. Yan po mismo ay base sa aming medical experts. At the same time na-quarantine at nailipat nga po pag positive. At once daw po na nag-start na ang gamutan eh hindi naman na daw po nakakahawa yan,” pagtiyak ni Bustinera.

Habang tanggap naman ni Regalado na ang limitadong budget ng BJMP ang nakaapekto sa kinakailangang health protection ng PDLs, inihayag niya ang ideya na ibalik ang online visitation program.

“Dapat palakasin nila ang kanilang health protocols especially sa mga dumadalaw. kung kinakailangan nga, kung hindi pa nakokontrol ang sakit sa loob, baka nga paigtingin muna ang kanilang e-dalaw,” ani Regalado.

Hinikayat ng Komisyon ang gobyerno na repasuhin ang rekord ng PDLs na nahaharap sa drug-related cases, na nagkataon, kumakatawan sa 50% ng PDL population ngayon.

Naniniwala si Regalado na ang PDLs na nahaharap sa drug use cases ay mas makabubuting ilipat sa rehabilitation facilities para lumuwag sa mga kulungan sa Pilipinas.

“Baka naman yung iba sa kanila eh nangangailangan ng rehabilitasyon… tingnan natin yung mga gumagamit ng mga low risk na drugs. Baka pag-aralan natin na imbes na ipasok sila sa mga kulungan, tingnan natin yung rehabilitasyon para sila rin po ay gumaling at maging mas produktibo sa kanilang pamumuhay,” pahayag pa ni Regalado. Kris Jose