Home HEALTH Paglipat sa vape makatitipid sa gastos para sa kalusugan

Paglipat sa vape makatitipid sa gastos para sa kalusugan

MANILA, Philippines – MAKATITIPID ang mga naninigarilyo sa gastos sa ospital at pampublikong kalusugan kung lilipat ang mga ito sa vapes at heated tobacco na may mas mababang panganib, ayon sa isinagawang isang pandaigdigang pag-aaral.

Ayon kay Brunel University London Prof. Francesco Moscone, isang dalubhasa sa ekonomiya, ang pagbaling ng mga naninigarilyo sa vape ay makatutulong sa mga ospital na tutukan ang ibang pasyente na hindi naninigarilyo.

Ang katuwiran ni Moscone, mas kaunti ang mga naninigarilyong magkakasakit kung gagamit na lamang ang mga ito ng vape o heated tobacco products.

Si Moscone ang may akda ng pag-aaral na may titulong “Does Switching to Reduced Risk Products Free up Hospital Resources? A Reflection using English Regional Data.”

Sa nasabi pa ring pag-aaral, mababawasan ng 70% ang sakit ng mga naninigarilyo kung hindi na sila malalantad sa mga nakapipinsalang kemikal dulot ng usok mula sa sigarilyo at sa halip ay lilipat sa mga vapor products.

Ipinakita lamang ng ginawang pag-aaral ni Moscone na ang mga naninigarilyo na lumipat sa mga smoke-free alternatives ay maaaring makabawas sa gastos ng pampublikoing pangkalusugan, partikular na sa National Health Service sa England.

Layon nito na alamin ang potensyal na matitipid ng NHS kung ang ilan sa mga naninigarilyo sa England ay babaling sa reduced risk products, tulad ng vapes at heated tobacco.

Ani Moscone, ang kanser, sakit sa puso, stroke, bronchitis at emphysema ang limang pangunahing kategorya ng sakit na dulot ng paninigarilyo.
Sa kabilang dako, sinang-ayunan naman ng isang grupo sa Pilipinas ang resulta ng pag-aaral.

Para kay Dr. Lorenzo Mata, pangulo ng Quit for Good, grupo na tumataguyod sa konsepto ng tobacco harm reduction, makakatulong ito sa labis na pasanin ng pampublikong kalusugan sa bansa.

Sa ulat, tinatayang mayroong mahigit sa isang bilyong katao ang naninigarilyo sa buong mundo kung saan ang buong gastos dahil sa sakit na nauugnay sa paninigarilyo ay umaabot sa $2 trilyon taon-taon.

Sa bansang England, ang paninigarilyo ay itinuturing pa rin na pinakamalaking dahilan ng hindi maiiwasang sakit at maagang pagkamatay.

Samantala, ang Framework Conventional on Tobacco Control ng World Health Organization na nakatakdang magdaos ng 10th Conference of the Parties sa Nobyembre ngayong taon ay patuloy na nagsusulong para sa mahigpit na patakaran sa mga smoke-free products na katulad ng ipinapataw sa sigarilyo.

Sinasabing ang paninigarilyo ay sanhi ng humigit-kumulang 74,600 na pagkamatay sa England bawat taon. Sa pagitan ng 2019 at 2020, mayroong 506,100 ang naospital sa England dahil sa paninigarilyo. Umabot din sa £2.5 bilyon sa isang taon ang ginastos ng National Health Service dahil dito.

Ipinakikita naman ng mga nakaraang pag-aaral na ang mga alternatibo sa tradisyonal na sigarilyo ay nagreresulta ng 90% na pagkabawas sa pagkakalantad sa mga kemikal na pangunahing nag-aambag sa mga panganib sa kalusugan.

Winika ni Moscone na sa ilalim ng 50% senaryo ng conversion, kung saan ang kalahati ng mga naninigarilyo ay bumaling sa RRPs, ang NHS ay makakatipid ng tinatayang £518 milyon sa isang taon. Kung ang rate ng conversion ay 10 porsiyento lamang, ang NHS ay makakatipid pa rin ng £103 milyon.

Kung ang kaharamihan aniya sa mga naninigarilyo ay lumipat sa RRPs, ito ay makakabawas sa pasanin ng NHS.

Matatandaang, naunang inanunsyo ng England ang ambisyon nito noong 2019 na maging “smoke-free” sa taong 2030, kung saan ang mga naninigarilyo ay huminto sa tabako o lumipat sa e-cigarette o vaping.

Iniulat ng gobyerno noong nakaraang taon na kung walang karagdagang aksyon, hindi maaabot ng England ang smoke-free status sa taong 2030. KRIS JOSE

Previous articleTitser at loverboy huli ni mister
Next articleNegosyante, pinagbabaril-patay sa duyan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here