Home NATIONWIDE Paglobo ng teenage pregnancies sa edad 10 -14, dapat nang maresolbahan –...

Paglobo ng teenage pregnancies sa edad 10 -14, dapat nang maresolbahan – Angara

107
0

MANILA, Philippines- Nakaaalarma ang ‘di maampat-ampat na problema ng bansa sa teenage pregnancies, kaya’t kailangang maresolba ito sa lalong madaling panahon.

Ito ang pahayag ni Senador Sonny Angara kaugnay sa aniya’y patuloy na pagdami ng mga kabataang babae na nagdadalantao sa napakamurang edad.

Base sa datos ng Philippine Statistics Authority o PSA, mula 2016 ay patuloy na dumarami ang mga batang babae na may edad 10 hanggang 14 na nagbubuntis kahit pa sabihing bumaba ang overall birth rate sa mga kabataang ito sa kasalukuyan.

Sa naturang datos, lumalabas na mula 11 porsyento o 1,903 teenage birth rates noong 2016, ay tumaas ito sa 2,113 registered births nitong 2020.

“Sa kasalukuyan, isa na ang teenage pregnancies sa malalaking problema ng bansa. Bagaman, magandang balita na bumaba ang birth rates sa mga babaeng may edad 15-19, tumaas naman ang bilang ng mga mas batang babae na nagdadalantao ngayon. Nakababahala ang usaping ito at posibleng lumala kung hindi mabibigyan ng kaukulang atensyon,” ani Angara, chairman ng Committee on Youth sa Senado.

Kaugnay nito, isinusulong ngayon ng senador ang Senate Resolution 462 na naglalayong talakayin ang mga nakaaalarmang pagtaas ng bilang ng mga batang babaeng may gulang na 10 hanggang 14 na nagdadalantao. Layunin din nitong kalampagin ang mga kinauukulan upang makalikha ng mga polisiyang lulutas sa suliraning ito para mailigtas ang mga kabataang babae sa panganib na dulot ng maagang pagbubuntis.

Ayon pa rin sa ulat ng PSA, karamihan sa mga lalaking may pananagutan sa maagang pagdadalantao ng mga kabataang babae ay mas matanda sa kanila ng tatlo hanggang limang taon.

Pero ang mas nakaaalarma, ayon kay Angara, ay ang isa sa mga lumabas sa pag-aaral ng PSA na 6 hanggang 7 porsyento ng teenage pregnancies ay dahil sa pakikpagtalik ng mga batang ito sa mga lalaking mas matanda sa kanila ng higit sa 10 taon.

Ani Angara, hindi lamang nalalagay sa moral at social issues ang mga kabataang ito dahil sa early pregnancies, kundi napaka-delikado rin ng kalagayang ito sa kanilang kalusugan.

Binigyang-diin ng UNICEF na dahil sa maagang panganganak, hindi napauunlad ng mga kababaihang ito ang kanilang pagkatao, sapagkat napipilitan na silang tumigil sa pag-aaral, upang ituon ang buong oras at panahon sa pag-aalaga sa kani-kanilang anak. Dahil dito, nawalan silang oportunidad na makapagtapos ng pag-aaral at makahanap ng maayos na hanapbuhay.

Nagiging dahilan din ito upang makatanggap sila ng panlalait ng lipunan, pagmamalupit ng sariling pamilya at sapilitang pag-aasawa sa napakamurang edad.

Ayon kay Angara, bagaman may nasimulan nang hakbang ang nakaraang administrasyon upang maresolba ang problemang ito, tulad ng pagpapalawak sa comprehensive sexuality education and reproductive health and rights services, kailangan pa ring paigtingin ang kampanya laban sa teenage pregnancies.

Aniya, magandang hakbang ang nasimulan ng nakaraang liderato, pero dapat ay mas matutukan pa ito upang tuluyang bumaba ang mga kaso ng teenage pregnancies sa bansa. Partikular na tinukoy ni Angara ang early pregnancies sa mga babaeng may edad 10-14 upang mailigitas ang mga ito sa posibleng panganib ng maagang pagbubuntis at panganganak. Ernie Reyes

Previous article2 jobless luminya sa droga, nalambat ng PDEA!
Next articlePinas nakapagtala ng unang kaso ng omicron subvariant XBB.1.5