Home NATIONWIDE Paglutas sa nurse shortage, maraming paraan – Herbosa

Paglutas sa nurse shortage, maraming paraan – Herbosa

MANILA, Philippines – Maraming mga opsyon na magagamit upang malutas ang kakulangan ng mga nars sa mga pampublikong ospital sa kabila ng mga legal na limitasyon, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa.

Sa isang pahayag, sinabi ni Herbosa na nakahanda ang Professional Regulation Commission (PRC) commissioners at Board of Nursing na tulungan ang Department of Health (DOH) na makahanap ng mga solusyon.

“There are still many options despite legal limitations which I understand,” aniya.

“However, it’s good to know they are with me to find the solutions to the 4,500 unfilled nurse items in DOH hospitals.”

Dagdag pa na ang Board of Nursing ay nagbigay ng suhestyon kung paano malulutas ang problema ng outward migration ng mga nars sa Pilipinas.

Nagpasalamat din aniya siya kay Department of Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma at PRC Commissioner Charito Zamora na “very supportive” sa paghahanap ng legal na pamamaraan upang natugunan ang problema sa health manpower.

Nauna na ring nagpahayag ng suporta si
Philippine College of Physicians president Dr. Rontgene Solante para sa nasabing
plano na nagsasabing ang mga nagtapos ng nursing na hindi pa nakapasa sa board examination ay nagtataglay na ng kakayahan ng isang nars at sapat na ang kakayahan upang gawin ang gawaing pag-aalaga pagkatapos ng graduation.

Dagdag pa ni Solante, ang naturang hakbang ay hihikayat sa mga nursing graduate na nagtatrabaho sa iba pang industriya tulad ng call centers at turismo na magsanay ng kanilang propesyon.

Samantala, sinabi ng PRC na walang probisyon sa Philippine Nursing Act o Republic Act 9173 na nagpapahintulot sa kanila o anumang ahensya ng gobyerno na mag-isyu ng pansamantalang lisensya sa mga nursing graduates na bumagsak sa licensure examination.

Noong Mayo 2023, iniulat ng PRC na humigit-kumulang 14,000 examinees ang kumuha ng licensure test para sa mga nars at humigit-kumulang 10,764, o 74.94 porsiyento ang pumasa. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous article2 rebeldeng NPA patay sa sagupaan sa Albay
Next articlePagkamatay ng 7 miyembro ng MILF sa police ops sa MagSur, iimbestigahan ng DOJ, NBI