Home OPINION PAGMAHAL NG LANGIS DAPAT PAGHANDAAN

PAGMAHAL NG LANGIS DAPAT PAGHANDAAN

HINDI na biro-biro ang nagaganap na digmaang Hamas at Israel na tiyak makaaapekto nang masama sa ating bansa.

Ito’y dahil nadadamay na ang lahat sa paglawak ng digmaan.

Mula sa Lebanon, nagsisimula nang umatake sa Israel ang pwersang Hezbollah na kapanalig ng Hamas.

Siyempre pa, gumaganti ang Israel at binobomba rin ang mga pwesto ng Hezbollah.

May natatamaan na ring mga bahagi ng Lebanon na inirereklamo nito at walang nakatitiyak kung mapilitang lumahok ito sa anti-Israel war .

LUMALALA SA RED SEA

Isa sa pinakababantayan nang todo ngayon ang pagluwa ng digmaang Hamas-Israel sa Red Sea na daluyan ng 40 porsyento ng kalakal sa mundo.

Bunganga ng Read Sea ang Suez Canal sa norte na nakaharap sa Mediterranean Sea patungo sa Europa habang bunganga rin nito ang Bab el-Mandeb strait na patungong south sa Arabian Sea at Indian Ocean na papunta naman sa buong Asia-Pasipiko.

Lumalala ang sitwasyon dahil dumarami ang mga barko na inaatake ng mga missile at drone sa Red Sea.

Pinakakawalan ng Houthi rebels mula sa Yemen ang mga missile at drone lalo’t sila ang may kontrol sa malaking bahagi ng 32 kilometrong lawak ng Bab el-Mandeb Strait.
Katwiran ng mga Houthi, hangga’t hindi tumitigil ang Israel sa pagbomba sa Gaza, patuloy nilang gigiyerahin sa Red Sea ang mga barkong dumaraong at lumalabas sa mga puerto ng Israel at mga pag-aari ng Israel.

Nitong huli, sinabi ng Houthi na target na nila ang lahat ng mga barko na dumaraan sa Red Sea, lalo na ang mga pag-aari ng mga bansang sumusuporta sa Israel.

Noong una, ang mga kompanyang Maersk ng Denmark at Hapag Lloyd ng Germany ang tumigil at sinundan ito ng Mediterranean Shipping Company ng Italy at Switzerland at CMA GMA ng France.

Nitong huli, huminto na rin ang pagbiyahe ng mga oil at gas tanker ng kompanyang BP at ang Evergreen.

Ito ang pinakamalalaking kompanya ng barko at kalahati ng kalakal sa mundo ang ibinibiyahe ng mga ito, kasama na ang mga langis, trigo, gatas, abono at iba pang dumarating sa mahal kong Pinas.

Ayaw nilang malubugan, masunugan o mahaydyakan ng barko gaya ng nangyari sa Galaxy Leader na may 17 Pinoy crew.

Ayaw rin nilang mamatayan ng mga crew at gumastos ng malaki sa insurance at malaking gastos sa pagbiyahe nang napakalayo.

Hindi sila pupwedeng dumaan sa north pole kundi sa dulo ng Africa para lang sila makarating sa Asya-Pasipiko.

Pinakahuling minisel at pinaputukan ng drone ang mga barkong MSC Clara at Swan Atlantic.

PAGMAHAL NG LANGIS

Dahil sa lahat ng pangyayaring ito, tiyak umanong magmamahal ang langis at susunod na rito ang pagmahal din ng presyo ng lahat ng kalakal na konektado sa mga biyaheng barko at mahal na langis.

Ang mga paghahanda natin sa paglobo ng presyo ng lahat, nasaan?

 

Previous articleCARDINAL, MAY ATIK NA, MATULIS PA (2)
Next articlePag-atake ng Israel sa Gaza walang humpay; Houthi nangakong patuloy na mananalakay sa Red Sea