MANILA, Philippines- Inihayag ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes na kinokonsidera ng Philippine government ang pagpapadala ng team o tulong sa Syria, na niyanig din ng malakas na lindol kagaya ng Turkey.
Sinabi ni OCD spokesperson Bernardo Rafaelito Alejandro IV na ito ay kasunod ng pormal na pagpapadala ng Syrian Embassy sa Manila ng “flash appeal” nitong Miyerkules ng gabi.
“That is what we are evaluating with the DFA (Department of Foreign Affairs) of course,” pahayag ni Alejandro nang tanungin kung magpapadala ang Pilipinas ng contingency team kagaya ng sa Turkey.
“Either we can send another contingent or send donations or relief items,” dagdag niya.
Nitong Huwebes, sinabi ng OCD na dumating na sa Istanbul, Turkey ang 83-man Philippine rescue team na binubuo ng military, medical, at Metropolitan Manila Development Authority personnel para sa rescue efforts.
Sa kasalukuyan, mahigit 15,000 na ang naiulat na namatay sa magnitude 7.8 na lindol na tumama saTurkey at Syria nitong Lunes ng umaga (February 6). RNT/SA